ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Ina, binaril daw ng sariling anak nang 'di mabigyan ng pera


Isang ginang ang nasugatan matapos barilin ng kaniyang sariling anak nang hindi raw niya nabigyan ng pera sa Binmaley, Pangasinan. Sa bayan naman ng Manaoag, isa pang ina ang nasugatan din matapos tagain daw ng sarili niyang anak.

Sa ulat ni Michael Sison ng GMA-Dagupan sa GMA News TV's Balita Pilipinas nitong Biyernes, sinabing naganap ang pamamaril sa isang ina sa barangay Canaoalan, Binmaley.

Ayon sa pulisya, lasing daw noon ang suspek at nanghihingi ng pera sa ina.

Nang hindi maibigay ng ina ang hinihingi ng anak, kinuha raw nito ang airgun at binaril ang biktima na tinamaan sa kanang balikat.



Nakakulong ang suspek pero hindi ito nagbigay ng pahayag.

Sa kabila ng nangyari, wala naman daw planong magsampa ng reklamo ang pamilya ng suspek.  

Sa bayan naman ng Manaoag, dinakip si Rommel Ave, residente ng barangay Baguinay, dahil sa pananaksak sa sarili niyang kapatid na si Ferdinand, at pagkakasugat din sa kaniyang ina.
 
Kritikal ang kondisyon ni Ferdinand sa ospital dahil sa tinamo nitong saksak sa tiyan. Nakaligtas naman ang kaniyang ina na si Guillerma.

Ayon sa suspek, ipinagtanggol lang niya ang kanyang sarili mula sa masasakit at mapanirang mga pananalita ng kaniyang ina at kapatid laban sa kaniyang pamilya.

Ngunit ayon sa pulisya, ilang beses nang inireklamo ng kaniyang mga kaanak ang suspek dahil sa madalas daw nitong panggugulo.

Desidido naman ang ina nito na kasuhan ang anak upang makulong dahil na rin sa pangamba na saktan silang muli kapag nakalaya ito. -- FRJ, GMA News

Tags: crime