Lalaking nakagat ng asong gala sa Pangasinan, namatay; aso, nakain ng mga kapitbahay
Hinihinalang rabies mula sa kagat ng asong gala ang nakapatay sa isang lalaki sa Malasiqui, Pangasinan. Ang mga kapitbahay naman ng biktima, nangangamba ngayon na madamay dahil kinatay at kinain nila ang karne ng aso.
Sa ulat ni Joanne Ponsoy ng GMA-Dagupan sa GMA News TV's Balitang Pilipinas nitong Huwebes, sinabing nasawi ang biktimang si Christian Mata, residente ng barangay Bolait, Malasiqui, ilang araw matapos siyang makagat ng asong pagala-gala sa barangay na kaniyang hinuli.
"Nadakma niya, kinagat naman po siya rito...binalewala niya, hanggang umano na rin yung rabies sa kanya." kuwento ni Arnel Caldona, kapatid ng biktima.
Nangyari raw ang pagkagat ng aso noong Enero 24 pero dinala siya sa ospital noong Pebrero 8. Sa sandaling iyon, malala na raw ang kondisyon ng biktima at pumanaw.
At bago nalamang na-rabies ang biktima, kinatay sa kanilang barangay ang aso at kinain. Dahil dito, nangangamba ang mga nakakain sa karne ng aso na baka maapektuhan din sila ng rabies.
"Yung nailista ni kapitan kanina tsaka treasurer namin, 52 katao yun, yung nakakain tsaka nakasaluhan ng biktima," ayon sa isang kagawad ng barangay.
Aalamin naman kay Dra. Ana de Guzman, Provincial Health Office, iniimbestigahan nila kung rabies ang ikinamatay ng biktima. Inalam din nila ang mga taong posibleng naapektuhan. -- FRJ, GMA News