ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pinakamataas na tulay sa Pilipinas, nanganganib na masira


Nanganganib umanong masira ang Agas-agas Bridge na makikita sa bayan ng Sogod sa Southern Leyte dahil sa nagaganap na landslide sa lugar.

Sa ulat ng GMA News TV's Balita Pilipinas nitong Martes, sinabi ang Agas-agas bridge ang itinuturing na pinakamataas na tulay sa Pilipinas.

Nadiskubre umano ng District Engineer ng Southern Leyte na nilalamon na ng gumuguhong lupa ang mga sumusuportang pundasyon sa tulay.

Umabot na raw sa 10 metro ang nilamon ng lupa.

Upang maagapan ang problema, naglaan na ang Department of Public Works and Highways ng P47 milyong mula sa Quick Calamity Fund para mapaayos ang mga nasisirang bahagi ng tulay.



Pero kahit makumpuni na, posible raw ulit na masira ang naturang bahagi ng tulay dahil sa mga pag-ulan na nagdudulot ng landslide.

Sa ngayon, puwede pa umanong daanan ng mga sasakyan ang tulay.

Ang Agas-agas bridge ay may taas na 89 metro at habang 350 metro na makikita sa barangay Kahupian.  Bahagi ito ng Daang Maharlika Highway, ang kalsadang nag-uugnay sa Luzon, Visayas at Mindanao.

Dahil sa taas nito, ang Agas-agas bridge ay ikinukonsiderang engineering masterpiece na sinimulang gawin noong 2006 at pinasinayaan ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo noong Agosto 2009.

Naitayo ang nabanggit na tulay sa ilalim ng Official Development Assistance (ODA) sa pamamagitan ng Japan Bank for International Cooperation (JBIC) Loan. -- FRJ, GMA News