ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mga armas ng SAF 44 na isinauli ng MILF, 'kinatay'?


Iimbestigahan umano ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang mga puna na "kinatay" o napira-piraso na ang mga isinauli nilang armas na nawala sa tropa ng Special Action Force (SAF) na nasawi sa madugong engkuwentro sa Mamasapano, Maguindanao.

Matatandaang nalimas ang mga gamit ng tinaguriang "Fallen 44" na nasawi sa pakikipaglaban sa mga tauhan ng MILF at Bangsamoro Islamic Freedom Fighter (BIFF) matapos nilang mapaslang ang teroristang si Zulkifli bin Hir, alyas Marwan.

Dahil sa brutal na pagpatay sa SAF troopers, nagkalamat ang ginagawang usapang pangkapayapaan ng MILF at pamahalaan. At para maipakita ng MILF na kaiisa sila sa pagbibigay ng hustisya sa mga napaslang na pulis at seryoso na usapang pangkapayapaan, ipinanawagan ng ang pagsasauli ng mga armas at mga gamit na ninakaw sa Fallen 44.



Sa ulat ni Saleema Refran sa GMA News "24 Oras," sinabing iprinisenta sa media nitong Huwebes ang 16 na armas ng SAF na isinauli ng MILF nitong Miyerkules.

Karamihan sa mga ibinalik na armas ay M4 rifles, at dalawa naman ang machine guns.

Nauna nang inihayag ng Philippine National Police, na aabot sa 63 armas ang nakuha mula sa nasawing SAF troopers.

"This is a good first step. Ibig sabihin hindi ito nagtatapos dito ito," ayon kay Interior and Local Government Sec. Mar Roxas.

Gayunman, nakita na kulang-kulang na ang parte ng ilan sa mga isinauling baril. Ang isang armas, kalahati na lang.

Paniwala ng SAF survivor mula sa 84th Seabourne na nakausap ng GMA News, kinatay na o pinagpira-piraso na ang kanilang mga gamit.

Hinahanap din niya ang iba pa nilang mga gamit tulad ng Kevlar helmets, bulletproof vests, communication devices at night vision goggles.

Ang mga naturang gamit ay galing umano sa ibang sa bansa at nasa milyon ang halaga.

"We will double check yung serial numbers, yung completeness of parts dito sa mga baril na ito. Katulad nung isang 'yon...bakit kalahati 'yan?," pahayag ni PNP-OIC chief Gen. Leonardo Espina.

Si Magdalo party-list Rep. Ashley Acedillo, na dating sundalo, sinabing kalakaran na sa mga armadong grupo ang pagkatay sa mga gamit na nakukuha sa kanilang kalaban.

"These parts are interchangeable, yung mga kinatay na accessories pwedeng ikabit dun sa mga hawak na baril ng MILF," paliwanag niya.

Nauna nang sinabi ng liderato ng MILF na ang mga isinauling baril ang mga gamit ng SAF na nakuha nila mula sa kanilang mga miyembro.

Ang ibang nawawalang baril at gamit ng SAF ay maaari umanong nakuha ng BIFF at iba pang grupo sa lugar.

Gayunman, iimbestigahan daw ng MILF ang tungkol sa mga nawawalang parte ng baril na isinauli nila sa gobyerno.

Pero para sa ilang opisyal ng pamahalaan, hindi magtatapos sa pagsasauli ng baril ang pagsukat sa katapatan ng MILF na matuloy ang usapang pangkapayapaan sa gobyerno.

Iginigiit din na dapat tumulong ang MILF sa paghuli sa teroristang si Basit Usman, at dapat nilang isuko sa batas ang mga kasapi na sangkot sa engkwentro at brutal na pumatay sa mga pulis.

"'Yan ay isang sukat ng pagtitiwala kung sila ay tutulong sa atin. Masusukat natin yung kanilang sinseridad kung ito ay gagawin nila," pahayag ni Defense Sec. Voltaire Gazmin.

Nananatili naman ang pagdududa ni Acedillo sa isinusulong Bangsamoro Basic Law na nakabinbin ngayon sa Kongreso na magbibigay ng panibagong political entity sa Mindanao na papalit sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) bahagi ng usapang pangkapayapaan sa MILF.

"Government especially Congress where Bangsamoro Basic Law is up for deliberation is contemplating on giving them autonomous government," ayon sa kongresista." How can you trust someone with big things if they cannot be trusted with the small things?" -- FRJ, GMA News