Masbate Gov. Lanete, nakiusap na sa PNP Custodial Center siya ikulong
Nakiusap sa Sandiganbayan nitong Biyernes si dating Masbate Rep. at ngayo'y Masbate Gov. Rizalina Seachon-Lanete, na nahaharap sa kasong pandarambong at graft, na sa Philippine National Police Custodial Center sa Camp Crame na lamang siya ikukulong.
Sa kanyang motion, sinabi niyang, "[my] life can best be secured at the PNP Custodial Center, which is a well-guarded compound."
Kinakaharap ni Lanete ang kasong plunder at 11 bilang ng graft charges kaugnay sa umano'y P10 bilyong pork barrel fund scam.
Kabilang sa mga naakusahan kaugnay sa pork barrel scam, at ngayo'y nakadetine sa PNP Custodial Center, ay sina Senador Jinggoy Estrada at Ramon Bong Revilla Jr. at ang staff ni Revilla na si Atty. Richard Cambe.
Samantala, si Senate Minority Leader Juan Ponce Enrile, ay naka-hospital arrest sa PNP General Hospital.
Nakakulong naman ang umano'y utak sa pork scam na si Janet Lim-Napoles sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City.
Pagtatangka sa buhay
Gayundin, sinabi ni Lanete sa kanyang motion na may mga banta sa kanyang pamilya nitong mga nagdaang taon.
Ayon sa kanya, tatlong beses na rin siyang nakaligtas sa ambush, na aniya'y kagagawan ng kanyang mga kalaban sa pulitika. Ang una ay noong 2004 at ang pangalawa ay noong 2011.
Ang pinakahuli, aniya, ay nitong nakaraang Enero lamang, nang siya at ang kanyang anak na si Mayor Joshur Judd Lanete ay papasok na sana sa Cebu City Sports Center habang sila ay nakiisa sa pagdiriwang ng Sinulog Grand Parade competition.
"There have been previous attempts on the life of accused Lanete and her family," ayon sa kanyang motion.
Dagdag ng motion, pinatay noong 2007 ang kapatid niLanete na si Fausto Seachon Jr mismo sa labas ng bahay ng biktima sa Caloocan City.
"To this day, accused Lanete and her family continue to receive death threats," dagdag pa ng motion.
Kasama sa motion ni Lanete ang mga kopya ng news articles na naglalaman ng balita tungkol sa mga pang-a-ambush na pinagdaanan niya.
Maliban sa banta sa kanyang seguridad, iginiit din ni Lanete na mas ligtas para sa kanya at praktikal para sa mga awtoridad kung papayagan siya ng korte na doon ikukulong sa PNP Custodial Center.
"Apart from security considerations, there is too the matter of convenience and practicality since Camp Crame is just several kilometers away from his Honorable Court," ayon sa motion ni Lanete.
Sinabi rin ng kampo nito na: "There is no hard and fast rule on custodial arrangements with respect to detention prisoners as opposed to convicted prisoners."
"Rule 113 Section 3 of the Rules of Criminal Procedure simply provides 'It shall be the duty of the officer executing the warrant to arrest the accused and deliver him to the nearest police station or jail without unnecessary delay," saad pa ng motion ng gobernadora.
Surrender
Kusang sumuko si Lanete sa tanggapan ng PNP-CIDG sa Camp Crame sa Quezon City noong Miyerkules ng gabi, ilang oras matapos ipinag-utos ng Sandiganbayan Fourth Division ang pag-aresto sa kanya dahil may "probable cause" umano upang sampahan siya ng mga kasong plunder at graft.
Maaga nitong Biyernes, dinala si Lanete ng mga tauhan ng PNP-CIDG sa Sandiganbayan para sa booking procedure, kabilang na rin ang pagsoli sa korte ng arrest warrant laban sa kanya.
Batay sa reklamong isinampa ng Ombudsman, nakatanggap umano si Lanete ng P108.4 milyong kickback sa pagpayag niyang ipadaan ang kanyang pork barrel sa pekeng non-government organizations na umano'y pag-aari ni Napoles.
Ayon sa Ombudsman, P112.29 milyon ng Priority Development Assistance Fund ni Lanete noong Masbate Representative pa siya mula 2007 hanggang 2009 ay ipinadaan sa mga NGO ni Napoles. —LBG, GMA News