ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pulis, patay sa pananambang sa Negros Occidental; suspek, pulis din


Isa na namang pulis ang namatay sa pananambang sa Negros Occidental nitong Miyerkules ng gabi. Gaya nang naunang kaso na naganap noong Enero, pulis din ang lumilitaw na suspek sa krimen.

Sa ulat ni Erwin Nicavera na GMA-Bacolod sa GMA News TV's Balita Pilipinas nitong Biyernes, kinilala ang nasawing biktima na si SPO4 Roger Canete, nakatalagang executive senior police officer sa Silay City Police Station.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumilitaw na pauwi na si Canete sakay ng kaniyang owner type jeep nang pababarilin siya ng dalawang suspek na sakay ng motorsiklo sa bayan ng E.B. Magalona.



Kaagad na nasawi si Canete dahil sa mga tama ng bala sa ulo at katawan.

Na-recover sa crime scene ang 10 basyo ng bala mula sa M-16 rifle.

Lumilitaw na suspek sa krimen ang kapwa pulis at sinasabing kaibigan ng biktima na si PO2 Reynaldo Bernel, at ang police asset na si Carlo Riosora.

May testigo umano sa krimen na nagturo sa dalawang suspek.

Mariin namang itinanggi ng dalawa ang paratang laban sa kanila.

Ayon kay Bernel, hindi niya magagawang patayin si Canete na para na umano niyang tiyuhin.

"Never, wala akong intensiyon na patayin siya kasi napakataas ng respeto ko sa kaniya," ani Bernel.

Noong nakaraang buwan, tinambangan din at napatay si PO2 Jan Gallenero Jr. sa La Carlota City, Negros Occidental.

Mga kapwa rin pulis ang suspek sa naturang krimen na nasampahan na ng kaso. -- FRJ, GMA News

Tags: ambush, copkiller