ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

DOLE, ipinaalalang exempted ang mga OFW sa terminal fee


Muling ipinaalala ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa  Department of Transportation and Communications (DOTC) na exempted and mga overseas Filipino workers (OFWs) sa pagbabayad ng airport terminal fee at iba pang bayarin gaya ng travel tax, at documentary stamp.

Ito ay kasabay ng panawagan ng Manila International Airport Authority (MIAA) na ipatigil ang integration o pagsasama ng terminal fee sa bayarin sa ticket.

Ayon kay DOLE Secretary Rosalinda Baldos sa isang panayam sa News TV Live nitong Linggo, makailang ulit na umanong nilinaw ng kagawaran ang posisyon nito hinggil sa mga naturang bayarin sa mga pagpupulong kasama ang ilang civil society groups, recruitment agencies at mga ahensya ng gobyerno.



Dagdag pa ni Baldos, ipinaalam na rin ng DOLE ang posisyon nito kay DOTC Secretary Joseph Abaya.

Giit niya, handa ang kanyang tanggapan na ibahagi sa MIAA at airline companies ang kanilang database ng mga OFW upang hindi na singilin ang mga ito ng terminal fee kapag bumibili ng ticket.

Sa ipinatutupad na sistema sa kasalukuyan, kasama sa babayaran ng mga OFW sa pagbili ng ticket ang terminal fee, pagkatapos ay maaari silang makakuha ng refund para dito sa NAIA terminal sa oras na makapag-sumite sila ng Overseas Employment Certificate (OEC).

Ayon sa mga naunang pahayag, ang integrasyon ng terminal fee sa pagbili ng ticket ay para mas pabilisin ang mga proseso at transaksyon sa mga terminal at upang maiwasan rin ang mahahabang pila.

Gayunpaman, iginiit ng ilang grupo ng mga OFW na dagdag pabigat lamang ito para sa kanila dahil kinakailangan pa rin nilang pumila upang makuha ang kanilang refund. — Bianca Rose Dabu/DVM, GMA News