Pananakit umano ng guro sa kaniyang mga estudyante, na-hulicam
Iniimbestigahan ngayon ang isang guro sa Baguio city dahil sa pananakit umano nito sa kaniyang mga estudyante.
Ayon sa ulat ni CJ Torida ng GMA-Dagupan sa GMA News TV's Balita Pilipinas nitong Martes, ipinakita ang bahagi ng amateur video kung saan makikita ang paghampas ng guro ng walis tambo sa sinasabing mga estudyante nito.
Maririnig din ang pag-aray ng ilang estudyante na grade seven sa Baguio city National High School dahil sa pamamalo ng Filipino teacher.
Kuwento ng isang estudyante, "Sinabi niya nag-ingay kami pero hindi naman totoo kaya napalo kami sa puwet ng tatlong beses. Tapos nagpa-assignment po siya nung Friday ng nobela, sabi niya Monday ipa-pass pero hindi rin po namin natapos kaya pinalo kami sa kamay ng tatlong beses."
Naiparating na sa pamunuan ng paaralan at sa Department of Education Baguio city Schools Division Office ang insidente.
Habang isinasagawa ang imbestigasyon, pansamantala na rin munang inilipat sa non-teaching duty ang inirereklamong guro habang isinasagawa ang imbestigasyon.
Ang resulta ng imbestigasyon ay isusumite ng division office sa nakatataas na opisina.
"We cannot pre-empt also the outcome, whatever the action or disciplinary actions they are going to take… if they tell us, direct us to conduct further investigation, then we will do it," ayon kay Atty. Agustin Laban, DepEd Baguio City Div. Office.
Ayon naman sa principal ng high school, hindi sila nagkulang sa pagpapaalala sa mga guro na bawal ang pisikal na pananakit sa mga estudyante bilang paraan ng pagdidisiplina.
Nakapaloob daw ito sa child protection policy ng DepEd at sa Anti-Bullying Act.
Hindi nagpaunlak ng panayam ang gurong inirereklamo.
Magsasagawa naman daw ng hakbang ang paaralan para maalis ang trauma sa mga estudyanteng nakaranas ng pananakit at susuriin din muli ang pagpapakalat ng impormasyon tungkol sa kanilang patakaran. -- FRJ, GMA News