7-anyos na elementary student, naospital matapos sabunutan at iuntog daw ng guro
Pitong araw na sa ospital ang isang pitong-taong-gulang na babae matapos makaranas ng pagkahilo at pagsusuka bunga umano ng pananakit na ginawa ng sarili niyang guro sa isang elementary school sa Taguig City.
Sa ulat ng GMA News 24 Oras nitong Miyerkules, sinabing sinubaybayan sa ospital ang kalagayan ng bata para matiyak na wala itong komplikasyon bunga ng pagsusukang naranasan nito ilang araw na ang nakakaraan.
Sinasabing ang dahilan ng pagkahilo at pagsusuka ng bata ay bunga ng ginawang pagsabunot at pag-untog na ginawa daw ng guro nito.
Kuwento ng ina ng bata na itago sa pangalang Joanne, bago pa man ang nasabing pananakit, dati na rin daw inireklamo ng kaniyang anak ang guro dahil naman sa pagpalo at pagkurot umano sa biktima dahil sa kakulitan.
Pero sa imbestigasyon ng eskwelahan, lumabas na nahulog daw ang bata.
Iniakyat na ang reklamo laban sa guro sa Department of Education.
Kapag napatunayang nagkasala ang guro, maaari siyang masuspinde o matanggal sa trabaho, ayon sa ulat.-- FRJ, GMA News