ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pinakamatandang babaeng preso, laya na matapos bigyan ng parole ni PNoy


Makaraang makulong ng limang taon, nakalaya na nitong Biyernes ng umaga si lola Petra Lukingan, 91-anyos, ang pinakamatandang bilanggo sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong city matapos mabigyan ng parole ni Pangulong Benigno Aquino III.

Sa ulat ni Kara David sa GMA News TV's Balitanghali nitong Biyernes, sinabing naging emosyunal maging ang ibang bilanggo at mga guwardiya sa piitan nang malaman na makalalabas na ng bilangguan si Lukingan.

Matatandaan na ipinagdasal noon ni Kara ang paglaya ni lola Petra nang i-cover niya ang pagbisita ni Pope Francis nitong nakaraang Enero.

Bagaman hindi marunong magbasa at magsulat, nakasuhan at nahatulang makulong si Lukingan dahil sa kasong falsification of public documents.



Nitong nakaraang Enero, ipinangako ng Malacañang na magpapalabas ng listahan ng mga matatanda at may sakit na bilanggo na mabibigyan ng pardon o parole. Inasahan na makakasama rito si Lukingan dahil sa kaniyang edad at lagay ng kalusugan.

Gayunman, hindi natupad ang pangako at inakalang hindi na ito mangyayayari ngayong taon lalo pa't natapos na ang pagbisita ng Santo Papa.

Pero nitong Biyernes ng umaga, natuwa ang mga bilanggo at maging ang mga tauhan sa correctional nang matanggap na ang release paper para kay Lukingan.

Nagpasalamat si Lola Petra at mga kaanak nito sa pamahalaan sa natanggap na kalayaan ng matanda.

Ayon sa ulat, may mahigit pang 100 nakatatandang bilanggo ang naghihintay na mabigyan ng kalayaan, at mahigit sa kanila ay nasa edad 70 pataas. -- FRJ, GMA News

Tags: lolapetra, parole