5 sundalo, patay sa ambush sa Ilocos Norte; 6 na iba pa, sugatan
Limang sundalo ang nasawi, at anim na iba pa ang nasugatan sa pananambang na isinagawa umano ng mga hinihinalang miyembro ng New People's Army sa bayan ng Quirino sa Ilocos Sur nitong Huwebes ng gabi.
Kaugnay nito, kinondena ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang umano'y paggamit ng mga rebelde ng human shields at pagpapaputok umano sa ambulansiya na kukuha sana sa mga sugatang sundalo.
Ayon kay Capt. Mark Anthony Ruelos, public affairs officer ng Army's 7th Infantry Division, kasama ang mga sundalo ng mga pulis na magsisilbi ng mga arrest warrant sa hindi tinukoy na mga "lawless elements" nang maganap ang pag-ambush ng tinatayang 30 armadong lalaki sa barangay Legleg dakong 7:00 p.m.
Pabalik na umano ang mga sundalo at pulis sa punong-himpilan nang maganap ang pag-atake.
Gayunman, aminado si Ruelos na mayroon din mga armadong grupo sa lugar na pinangyarihan ng ambush atake kaya patuloy ang kanilang imbestigasyon kung miyembro ng NPA ang nakasagupa ng tropa ng pamahalaan.
Tumagal umano ang palitan ng putok ng 15 hanggang 20 minuto na nagresulta sa pagkasawi ng limang sundalo.
Kaugnay nito, nagpaabot ng pakikiramay si AFP Chief Gen. Gregorio Pio Catapang Jr. sa pamilya ng mga nasawing sundalo.
"I extend my sincerest and heartfelt condolences to the bereaved families of our fallen soldiers. Rest assured that their heroism and sacrifices will not be in vain," pahayag sa binasang mensahe ni AFP spokesperson Col. Restituto Padilla sa isang press briefing.
Malapit umano sa mga kabahayan ang lugar ng pinangyarihan ng pananambang kaya naging maingat sa pagpapaputok ang tropa ng pamahalaan para hindi makadamay ng sibilyan.
"The NPA bandits used the civilians as human shields in that particular encounter. My troops tried their best to avoid civilian casualties by controlling their fires," ayon kay 81IB commander Lt. Col. Jason Bajet.
Bukod sa paggamit ng human shields, sinabi ni Padilla na nilabag din ng NPA ang International Humanitarian Law nang paputukan ang mga ambulansiya na kukuha sa mga nasawi at nasugatan.
"Yung mga duktor and yung mga medical personnel na nagmumula sa mga ospital diyan ay pinaputukan din na isa naming ikinalulungkot kasi isa itong paglabag sa International Humanitarian Law," aniya.
Wala namang nasugatan sa mga pinaputukang medical personnel. — FRJ, GMA News