Kailan sinimulang gawing Fire Prevention Month ang Marso?
Alerto ang lahat sa sunog lalo na kung Marso na idineklarang Fire Prevention Month. Alam ba ninyo kung papaano ito idineklara at kailan nagsimula?
Ang pagtukoy sa buwan ng Marso bilang Fire Prevention Month ay base sa Presidential Proclamation No.115-A na ipinalabas noong 1966 ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Nakasaad sa nabanggit na proklamasyon ang paglusaw sa naunang ipinalabas na proklamasyon sa safety and accident prevention week, at pinalitan ng safety and prevention year.
Ang pagdeklara ng safe at prevention year ay bunga umano ng mga nagaganap na aksidente at insidente na nagdudulot ng malaking pinsala sa buhay at ari-arian ng mga Pilipino bawat taon.
(Mula sa Presidential Proclamation No.115-A)
Sa ilalim ng nabanggit na proklamasyon, may itinakdang buwan ng bawat taon na laan para sa safety and accident prevention sa iba't ibang kategorya. At dahil pinakamainit na panahon ang Marso at maraming nagaganap na insidente ng sunog, inilagay sa buwan ng Marso ang fire prevention.
Inaatasan sa proklamasyon ang, "all segments of society, including all industrial, commercial, and agricultural sectors; public and private schools; government agencies; labor management and civic organizations; to give full support, undertake maximum participation and initiative to make every Year as above-described meaningful and productive of desired results." -- FRJ, GMA News