ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mga magulang ng 3 batang nakitang natutulog sa lansangan ng Davao city, ipinaaresto ni Duterte


Galit na ipinaaresto ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte ang mga magulang ng tatlong bata na nakitang natutulog sa lansangan ng lungsod nitong Huwebes ng madaling araw.
 
Mismong ang alkalde ang nakakita sa mga batang nasa edad anim hanggang siyam na natutulog sa kalye sa Loyola Street sa Barrio Obrero, ayon sa ulat ng GMA Davao.
 
"Na-trauma ang mga bata. Kaya dadalhin ko kayo sa opisina dahil may instruction si Mayor na hanapin kayo kahit hanggang umaga," pahayag ng isa sa mga pulis na inatasan ni Duterte.
 
Nagalit din ang alkalde nang malaman nito na minamaltrato at pinalayas umano ang mga bata.
 
"Sinasaktan ako ng kuya ko... Kapag humihingi ako ng pera sa kanya, hindi siya nagbibigay," ayon sa batang siyam na taong gulang.
 
Ayon kay Duterte, may ibang magulang na handang kupkupin ang mga bata.
 
"Pag hindi nila kaya... may adoption para sa ibang tao. Marami riyan na gusto ng bata o anak. E nandiyan lang, natulog malapit as imburnal, maraming lamok," anang alkalde.
 
Pinaimbestigahan din niya kung talagang minamaltrato ang mga bata.
 
Inamin naman ng isa sa mga magulang ng mga bata na nasasaktan nila ang anak paminsan-minsan.
 
"Napapalo lang namin siya 'pag grabe na ang kapilyuhan niya. Kasi noong 2013 ginawa na niyang lumayas, nawala 'yan. Kaya yun nagtaka ako, alas onse na, wala pa rin siya. Naglibot kami, hindi namin siya makita," anang magulang ng batang siyam na taong gulang.
 
Itinanggi naman ng isa pang magulang na minamaltrato nila ang anak. Ito rin umano ang unang pagkakataon na hindi umuwi ng kanilang bahay ang bata.
 
Pansamantala munang isasailalim sa pangangalaga ng city social welfare office ang mga bata.
 
May pinaiiral na ordinansa ang lungsod na tinatawag na children's welfare code, kung saan binibigyan ng mataas na prayoridad ng lokal na pamahalaan ang pangangalaga sa mga bata.
 
Umaasa si Duterte na magiging mensahe sa mga magulang ang kaniyang ginawa sa mga magulang ng tatlong bata. -- FRJ, GMA News