Bihasa umano sa pamemeke ng mga dokumento at ID, huli sa CDO
Arestado sa isinagawang pagsalakay ng mga awtoridad ang isang lalaki na eksperto umano sa paggawa ng mga pekeng dokumento at identification card sa Cagayan de Oro city.
Sa ulat ni Sosie Alamban ng GMA-Northern Mindanao sa Balita Pilipinas ng GMA News TV nitong Huwebes, kinilala ang dinakip na eksperto sa paggawa umano ng mga pekeng dokumento at ID na si Mario Ampoon.
Hinuli rin ang sinasabing fixer ni Ampoon na si Jorge Anthony Abao.
Pero paliwanag ni Ampoon, ang mga tao ang nagpupunta sa kaniya para magpagawa ng mga dokumento at ID.
Hindi naman nagbigay ng pahayag si Abao.
Napag-alaman sa pulisya na Agosto noong nakaraang taon pa nagsimula ang iligal na operasyon ng mga suspek.
Kabilang umano sa mga nakuhang ebidensiya ng pulisya sa lugar ni Ampoon ay iba't ibang ID mula elementary hanggang college, ID mula sa iba't ibang ahensiya ng gobyerno, mga legal documents kaya ng land title, NSO certificate, at mga diploma.
May nakuha rin umanong isang hard drive sa suspek na sinasabing naglalaman ng mga software at files na ginagamit sa pamemeke ng mga dokumento.
Posibleng maharap ang dalawang suspek sa reklamong falsification of public documents at usurpation of authority. -- FRJ, GMA News