ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Kampo ni Napeñas, bumuwelta kay Pangulong Aquino


May mga pasaring ang abogado ni dating Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) director Getulio Napeñas Jr. laban kay Pangulong Benigno Aquino III, isang araw matapos idiin ng Punong Ehekutibo ang inalis na opisyal ng SAF sa pagkasawi 44 na police commando sa madugong engkuwentro sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25.
 
Ayon kay Atty. Vitaliano Aguirre, abogado ni Napeñas, nagsimula ang trahediya sa Mamasapano nang payagan umano ni Aquino ang kaibigan nitong si dating PNP chief Director General Alan Purisima, na mamahala sa sensitibong operasyon sa pagtugis sa high-value targets sa sinasabing teritoryo ng Moro Islamic Liberation Front.

“Bakit kahapon hindi man lang binanggit ang naging papel ni General Purisima? Bakit walang responsibility ang isang Pangulo?,” puna ni Aguirre sa panayam ng GMA News TV's "News To Go."
 
“Ang unang-unang katanungan diyan ay bakit pinayagan niya (Aquino) na ang mangasiwa sa napakaselan na operasyon ay isang suspendidong chief ng PNP [na si Purisima]? Sa palagay ko sa kautusang iyan, sa nangyaring iyan, diyan nagsimula ang lahat,” dagdag ng abogado.
 
Nasawi ang 44 na SAF troopers nang makasagupa sa Mamasapano ang ilang tauhan ng MILF at Bangsamoro Islamic Freedom Fighter (BIFF).

May umiiral na usapang pangkapayapaan ang pamahalaan ng Pilipinas at MILF.

Nang mangyari ang trahediya sa Mamasapano, suspindido noon si Purisima dahil sa kinakaharap na alegasyon ng katiwalian sa Office of the Ombudsman. Hindi nagtagal, nagbitiw si Purisima sa kaniyang posisyon bilang PNP chief.
 
Nauna nang itinanggi ni Purisima ang mga espekulasyon na siya ang namahala sa Oplan Exodus, ang PNP-SAF operation para dakpin ang Malaysian terrorist na si Zulkifli bin Hir alias Marwan at Filipino bomb-maker na si Abdul Basit Usman sa Mamasapano.
 
Hindi inaabsuwelto si Purisima
 
Itinanggi naman ng Malacañang ang alegasyon na inililibre ni Aquino sa pananagutan sa Mamasapano tragedy si Purisima.
 
“Wala namang pag-iwas doon sa role ni General Purisima,” pahayag ni Communications Secretary Herminio Coloma Jr. sa hiwalay na ulat ng "News To Go."
 
Idinagdag ni Coloma na walang intensiyon si Aquino na idiin ang sinuman sa naging pahayag ng pangulo nitong Lunes.
 
“Ang pangunahing layunin ng salaysay ay 'di pagbunton ng sisi ngunit pag-unawa at pag-intindi kung ano ba talaga ang naganap. It is not to hit blame but to tell the story as it has actually happened para maunawaan ng kababayan natin ang nangyari,” paliwanag ng opisyal.

Sa idinaos na pagtitipon sa harap ng Christian leaders sa Malacañang, inihayag ni Aquino ang mga pagkakamali sa Mamasapano operation na pinamahalaan ni Napeñas, na nagresulta sa pagkasawi ng maraming SAF troopers.
 
Muling iginiit ni Aquino na malinaw ang direktiba niya kay Napeñas na makipag-ugnayan sa militar ilang araw bago isagawa ang operasyon. Taliwas ito sa naging pahayag tungkol sa sistemang “time on target,” o ipapaalam lang sa militar ang misyon kapag nakarating na sa target area ang SAF troopers.
 
Idinagdag din ni Aquino na “nilinlang” siya ni Napeñas sa mga ibinibigay na impormasyon tungkol sa operasyon.
 
Pero para kay Aguirre, kung nais talaga ni Aquino ng tamang koordinasyon tungkol sa misyon, bakit hindi niya ipinaalam ang misyon kina Interior Secretary Mar Roxas at PNP acting officer-in-charge Deputy Director General Leonardo Espina.
 
“Bakit ang naging parang superior ni Napeñas ay si Purisima na isa nang suspended [official] nung January 9, nung nagkaroon ng briefing? Bakit ang dalawang matataas na pinuno ng kapulisan, si General Espina at Secretary Roxas ay wala doon sa briefing na yun?” tanong ni Aguirre, patungkol sa nangyaring briefing sa Oplan Exodus sa Bahay Pangarap sa Malacañang noong Enero 9.
 
Sa mga nagdaang pagdinig na isinagawa ng Kongreso tungkol sa Mamasapano incident, sinabi ni Napeñas na siya lamang, kasama sina Purisima at PNP Intelligence Group director Senior Superintendent Fernando Mendez ang nakipagpulong kay Aquino.
 
“Kung talagang inutusan niya [Aquino] si General Napeñas na i-coordinate yung dalawang opisyal na yun (Roxas and Espina), bakit hindi siya mismo ang nagpatawag nang makita niya na wala sila doon sa briefing? Sandali lang naman ipatawag sila,” ani Aguirre.
 
Sa isang pagdinig sa Senado, sinabi ni Napeñas na hindi hinanap ni Aquino si Espina sa ginanap na briefing sa Bahay Pangarap noong Enero 9. Pagkatapos ng pulong, sinabihan din umano siya ni Purisima na ipaalam lang kina Roxas at Espina ang operasyon kapag nakarating na sa target area ang SAF troopers.
 
Inamin naman ni Purisima ang naturang pahayag ni Napeñas tungkol sa kung kailan ipapaalam kina Roxas at Espina. Ngunit iginiit niya ito ay "mungkahi" lamang at hindi "direktiba."

Dahil sa pagsunod kay Purisima, sinabi ni Aguirre na hindi dapat sisihin si Napeñas.
 
“Pagkatapos ng meeting nilang apat, lumabas si General Napeñas at General Mendez. And then nag-usap pa ang Pangulo at si General Purisima sa loob. 'Pag labas niya (Purisima), sinabi kay Napeñas na 'wag sabihin sa dalawa (Roxas and Espina)' Ano aakalain ni General Napeñas? Di ba 'yan utos mula sa Pangulo?” paliwanag ng abogado.

Bakit inunahan ang BOI report
 
Binatikos din ni Aguirre si Aquino sa mabilis nitong pagbato ng sisi kay Napeñas gayung hindi pa nailalabas ng PNP Board of Inquiry ang resulta ng imbestigasyon sa Mamasapano incident.
 
“Siguro mapapansin ng madami na kahit minsan hindi nagpa-interview sa anumang sangay ng media ni General Napeñas kasi nga sinabihan siya ng kaniyang mga superiors na kung puwede bago magpa-interview ay dapat nakalabas na ang BOI report. Ngayon, 'di naman namin akalain na talagang ibabagsak sa kaniya ang lahat ng sisi samantalang ang BOI report ay 'di pa lumalabas,” ayon kay Aguirre.
 
Dahil sa naging pahayag ni Aquino, pangangamba si Aguirre na maaaring pre-empt o maimpluwensiyahan nito ang resulta ng BOI investigation.
 
“Ngayon ang katanungan, ano kayang magagawa ng BOI? Maaari pa ba nilang salungatin ang stand ng Pangulo na siya (Napeñas) ang may kasalanan ng lahat?” ayon pa sa abogado.
 
“Iyan ang malaking katanungan ngayon at sana magawa ng BOI ang kaniyang katungkulan na magpalabas ng isang report na kapani-paniwala at patas,” dagdag niya. — FRJ, GMA News