ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Makapal na usok mula sa grass fire, nagdulot ng halos zero visibility sa NLEX


Halos walang makita ang mga motoristang dumaraan sa bahagi ng North Luzon Expressway nitong Martes ng hapon matapos balutin ng makapal na usok ang lugar dulot ng malaking grass fire.

Sa ulat ni Mav Gonzales sa GMA News 24 Oras nitong Martes ng gabi, sinabing dakong 3:00 p.m. nang mangyari ang halos zero visibility sa kahabaan ng NLEX dahil sa grass fire sa bahagi ng Sta. Rita exit sa Guiguinto, Bulacan.

Dahil sa kapal ng usok, halos hindi na makita ang mga sasakyan sa parehong north at south bound lanes.



Bilang pag-iingat, nagbukas ng headlights at hazard lights ang mga motorista.

Ayon kay NLEX media relations officer Kiko Dagohoy, nagsimula ang sunog bandang alas tres ng hapon at nagtagal ng dalawang oras.

Hindi pa natutukoy kung ano ang pinagmulan ng apoy. Nahirapan din daw ang mga bumbero patayin ang apoy dahil masukal ang lugar.

Habang mausok sa highway, tumulong magmando ng trapiko ang patrol crew ng NLEX.

Payo naman ng NLEX, kung sakaling mag-zero visibility dahil sa usok, makabubuting huminto kung may pagkakataon.

Pero kung kaya pang tumuloy sa biyahe, maging lubhang maingat sa pagmamaneho. -- FRJ, GMA News