Lalaking nagpanggap na babae sa FB, dinakip matapos ireklamo ng ka-chat niyang OFW
Kinailangang umuwi sa Pilipinas ang isang lalaking overseas Filipino worker mula sa Saudi Arabia matapos siyang maghina sa babaeng ka-chat niya sa Facebook at napadalhan niya ng pera na aabot sa P200,000.
Sa ulat ni Argie Lorenzo ng GMA-Ilocos sa Balita Pilipinas ng GMA News TV's Balita Pilipinas nitong Martes, sinabing nagkasa ng entrapment operation ang pulisya sa Sta. Cruz, Ilocos Sur matapos humingi ng tulong ang 28-anyos na OFW na mula sa KSA.
Kuwento ng biktima, nakilala niya ang lalaking suspek sa Facebook na unang nagpakilala bilang babae na si "Andrea."
Nagkamabutihan ang dalawa at dumating sa puntong nagpapadala na ang OFW ng pera sa suspek na umabot daw ng hanggang P200,000.
Pero nitong buwan ng Pebrero, ilang beses daw niyang niyaya ang suspek na makipag-video chat pero lagi itong tumatanggi. Dito na siya nagduda at nagpasyang umuwi ng Pipinas para makilala nang personal ang chatmate na si "Andrea."
Ngunit nang magsiyasat, nalaman ng OFW na lalaki nga ang kaniyang ka-chat kaya humingi na ito ng tulong sa pulisya at nadakip ang suspek na si Christopher Javanillo.
"Nagawa ko 'yon siyempre sa luho tapos mahilig kasi akong mag-tour," ayon sa suspek.
Sinampahan ng reklamong estafa ang suspek pero iuurong daw ng biktima ang reklamo kung ibabalik nito ang nakuha niyang pera. -- FRJ, GMA News