ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Erap, planong tumakbong Manila mayor ulit sa 2016 elections


Tila nagbago ang isip ng dating Pangulo at ngayo'y Manila mayor na si Joseph Estrada. Kung dati ay isang termino lang bilang alkalde ng lungsod ang kaniyang balak, ngayon, ikinukonsidera umano niyang muling tumakbo sa kasalukuyang posisyon sa 2016 elections.

Sa live phone-patch interview nina Arnold Clavio at Ali Sotto sa dzBB radio nitong Miyerkules, sinabi ni Estrada na wala pang katiyakan sa posibleng paghirit niya ng re-election bilang alkalde ng Maynila sa susunod na taon.

“Kung ako tatanungin, wala naman akong ibang plano kundi sakali, baka mag-run ako for re-election as mayor of Manila,” pahayag ni Estrada, na kilala bilang si Erap.

Nitong Martes, lumabas ang desisyon ng Supreme Court na tuluyang nagbasura sa disqualification case na inihain laban sa kaniyang panalo ni Alicia Vidal, ang legal counsel ni dating Manila mayor Alfredo Lim.
 
Si Lim ang nakalaban ni Estrada sa posisyon bilang ama ng Maynila noong 2013 elections.

Nakasaad sa desisyon ng SC na may karapatan si Estrada na tumakbo muli sa halalan noong 2013 dahil ibinalik ang kaniyang civil and political rights nang bigyan siya ng absolute pardon ng dating Pangulo at ngayo'y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo noong 2007.

Nang tanungin kung balak ba niyang tumakbong pangulo muli matapos ang desisyon ng SC, tugon ni Estrada: "Wala na. Tapos na ako roon. Ang gusto ko ngayon ay maibalik natin ang image of Manila as the 'Pearl of the Orient.'”

Ayon kay Estrada, dating alkalde ng San Juan, naging malaking pagsubok sa kaniya ang pag-upo bilang alkalde ng Maynila dahil sa malaking pagkakautang umano ng lungsod nang iwan ito ng nagdaang administrasyon.

“Naging malaking hamon sa akin ang ibalik ang sigla at kaunlaran ng Manila. Bangkarote ang Manila nung dinatnan natin. Mahigit P4 bilyon ang utang na inabot nung dinatnan natin,” anang alkalde.

Dagdag niya, posibleng may "debt fee" na ang lungsod sa darating na Hunyo dahil na rin sa mga ipinatupad na kautusan ng Konseho na magtaas ng mga singilin upang mapalaki ang kanilang kita at mabayaran ang utang.
 
Gayunman, marami pa raw kailangang gawin para mapanatili ang pag-unlad ng Maynila.
 
Paano si Vice Mayor Isko?

Sa ngayon ay wala pa umanong napipisil si Estrada na magiging katambal sa 2016. Pero maaari umano siyang mamili sa mga kasalukuyang konsehal sa lungsod.
 
“Wala pa. Pero namimili pa tayo. Maraming magagaling dito sa aking mga konsehal,” anang alkalde.

Samantala, ang kasalukuyan niyang vice mayor na si Isko Moreno ay posible umanong tumakbong senador sa 2016.

“Si Pareng Isko, tingin ko gusto niya ng higher office. Gusto niya tumakbo as Senator. At para sa akin, qualified naman talaga siya. Marunong naman at talagang masipag,” ayon kay Estrada.

Sinusubukan pa ng GMA News Online na makuha ang reaksiyon ni Moreno pero dati na nitong naihayag ang pagnanais na maging alkalde ng lungsod.

Hinatulan ng Sandiganbayan na guilty si Estrada sa kasong pandarambong noong 2007 pero hindi napalaya rin kaagad matapos bigyan ng pardon ni Arroyo.
 
Tumakbo siyang presidente pero natalo noong 2010 elections, bago tumakbo at nanalong alkalde ng Maynila noong 2013.--  FRJ, GMA News