Artistang Katipunero
Isa si Heneral Macario Sakay sa mga huling lider ng katipunan na âsumuko" sa gobyerno ng Amerika na sumakop noon sa Pilipinas. Ngunit lingid sa kaalaman ng marami, bago sumama sa katipunan, si Sakay ay dating barbero, sastre at aktor sa entablado. Nagamit ni Sakay ang kanyang pagiging aktor upang mailihim ang kanyang partisipasyon sa katipunan noong 1894 kung saan naging kasama siya ng grupo ni Andres Bonifacio na kapwa niya ipinanganak sa Tundo, para lumaban sa mga Kastila. Nang matapos ang pananakop ng mga Kastila sa Pilipinas at pumalit ang mga Amerikano, itinatag ni Sakay ang Republika ng Katagalugan noong 1902 kung saan hinirang niya ang sarili bilang presidente. Ipinagpatuloy ng grupo ni Sakay ang pakikidigma laban sa mga Amerikano. Taong 1905 nang magpadala ng emisaryo ang mga kano kay Sakay na nag-alok sa kanyang tropa ng amnestiya. Tiniyak ng emisaryo na hindi ikukulong ang tropa ni Sakay kapalit ng kanilang pagsuko. Naniwala si Sakay sa emisaryo. At Hulyo 1906, dumalo si Sakay sa isang pagtitipon sa Cavite at doon siya dinakip ng tropa ng mga Amerikano. Pinaratangan siyang bandido, nilitis at binitay noong Setyembre 1907. - Fidel Jimenez, GMANews.TV