Ate, binalikan si bunso: 2 batang magkapatid, nasawi sa nasunog nilang bahay sa Caloocan
Dahil sa pagmamahal at kagustuhang sagipin ang bunsong kapatid, binalikan ng pitong-taong-gulang na ate ang nasusunog nilang bahay sa Caloocan City nitong Sabado ng madaling araw. Sa kasamaang-palad, hindi na sila nakalabas sa kanilang bahay na tuluyang nilamon ng apoy.
Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News TV's Balitanghali, sinabing dakong 2:00 a.m. nitong Sabado nang masunog ang bahay ng pamilya Castro sa Merry Homes 2 Subdivision sa Camarin North, Caloocan.
Nang maganap ang sunog, wala ang mga magulang ng apat na magkakapatid na nasa edad dalawa ang hanggang 10.
Ayon sa ama ng mga bata na Eusebio, kaagad siyang umuwi nang makatanggap ng tawag mula sa kanilang kapit-bahay na nasusunog ang kanilang bahay.
Pero huli na ang lahat dahil natupok na ng apoy ang kanilang bahay at dalawa lamang sa kaniyang anak ang nakaligtas.
Nasawi sa sunog ang magkapatid na Danny, 2-anyos at si Gabriela, 7-anyos.
Nang sumiklab ang apoy, nakatakbo ang magkakapatid maliban kay Danny na naiwan sa loob ng nagliliyab na bahay. Binalikan daw ito ni Gabriela para sagipin pero hindi na rin siya nakalabas sa nasusunog na bahay.
"Kasi nakita niya maiiwanan yung maliit naawa siya gusto niyang tulungan. Kaso nung binalikan niya 'di na siya makalabas kasi biglang lumaki yung apoy," ayon sa ama.
Nakaligtas naman ang dalawa pang batang lalaki na edad 10 at apat.
Hinala ni Eusebio, posibleng problema sa electrical wiring ang pinagmulan ng sunog.
Base naman sa inisyal na imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection, sa sala nagsimula ang apoy habang ang mga bata ay nasa kuwarto.
Sa kuwarto rin natagpuan ang mga labi ng dalawang bata na hindi na halos makilala dahil sa tindi ng tinamong sunog sa katawan.
Dahil sa nangyari, muling nagpaalala ang BFP sa mga magulang na huwag pababayaan at iiwan ang mga anak lalo na ang mga bata dahil wala pa silang sapat na kaalaman kung ano ang gagawin kapag nagkasunog.
Samantala, tinupok din ng apoy ang bodega ng isang pabrika sa brgy. Nagkaisang Nayon sa Novaliches, Quezon City.
Hinihinalang nagsimula ang sunog sa napabayaang kalan na sinindihan nang magluto ng pancit canton ang isang empleyado.
Sinubukan pa raw apulahin ng mga empleyado ang apoy sa cooking room pero hindi na raw nila ito kinayang patayin hanggang sa kumalat na ito hanggang sa warehouse ng gusali.
Nakaimbak sa gusali ang iba't ibang produkto tulad ng mga de-lata at processed food.
Wala namang nasaktan sa mga empleyado na on duty nang maganap ang sunog. -- FRJ, GMA News