ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Unang nakilala si Liezl Martinez bilang child star na si Anna Lissa


Bago pa man nakilala si Liezl Sumilang bilang maybahay ng aktor na si Albert Martinez, unang sumikat ang aktres noong dekada 70's bilang child star sa pangalang Anna Lissa.

WATCH: Balikan ang kuwento ni Liezl Martinez nang malaman niyang mayroon siyang cancer

Si Liezl, isinilang noong March  27, 1967, ay nag-iisang anak ng mga batikang artista na sina Amalia Fuentes at Romeo Vasquez. Dalawang-taong-gulang pa lang noon si Liezel nang magkahiwalay ang kaniyang mga magulang.

Apat na taong gulang si Liezl nang bumida siya sa pelikulang Portrait of an Angel, gamit ang screen name na Anna Lissa noong 1971. Kasama ni Liezl sa nasabing pelikula ang kaniyang ina na si Amalia at aktor na si Juan Rodrigo.

Dahil tumabo sa takilya ang pelikula, nasundan pa ito ng mga proyekto at naging karibal sa kasikatan ng noo'y child star din na si Snooky Serna.

Ilan sa mga pelikulang ginawa ni Liezl o Anna Lissa ay ang Poor Little Rich Girl, Anghel ng Pag-ibig, Liezl at ang 7 Hoods, Europe Here We Come, at Pinokyo en Little Snowhite, kung saan nakasama niya si Dolphy.

Sa kabila ng kasikatan, pinili ni Amalia na alisin sa showbiz ang anak para makapagtapos ng pag-aaral.

Noong 1980's, bumalik siya sa paggawa ng pelikula gamit na ang pangalang Liezl. Naging kontrobersiyal din ang pagkakaugnay niya sa heartthrob na si Albert Martinez, na kaniyang naging asawa.

Dahil tutol noon si Amalia na maagang makipagrelasyon ang anak, lumipad patungong Amerika sina Liezl at Albert para bumuo ng pamilya at nagkaroon ng tatlong.

Bumalik sa bansa ang mag-asawang Liezl at Albert sa Pilipinas noong 1990's kung saan ipinagpatuloy ng aktor ang kaniyang showbiz career, pero hindi na si Liezl.

Taong 2008 nang matuklasan ni Liezl na mayroon siyang breast cancer.

Nitong March 14, pumanaw si Liezl dahil sa nabanggit na sakit sa edad na 47. -- FRJ, GMA News