ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Babaeng guro, brutal na pinatay sa isang pension house sa Iloilo City


Brutal na pinaslang ang isang 62-anyos na babaeng guro sa loob ng isang pension house sa Iloilo City. Bago natuklasan ang bangkay ng biktima, inamin ng room attendant na may nakarinig ng ingay sa kuwarto ng guro pero hindi nila binigyan ng lubos na pansin.
 
Sa ulat ni Charlene Belvis ng GMA-Iloilo sa Balita Pilipinas ng GMA News TV nitong Martes, kinilala nito ang biktima na Myrna Requintina, 62-anyos, guro umano mula sa Antique.

May mga ulat din na Myra Pe ang lumitaw na pangalan ng biktima.

Natagpuan ang hubad na bangkay ng biktima sa loob ng Eros Pension House sa nabanggit na lungsod nitong Linggo ng hapon. May busal ang kaniyang bibig, natatakpan ng damit ang kaniyang ulo, nakagapos ng sinturon ang kamay at nakatali sa kaniyang katawan ang kaniyang pantalon.

Base sa pagsisiyasat ng pulisya, pinaghahampas ng matigas na bagay ang biktima hanggang sa bawian ito ng buhay.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na base sa kuha ng CCTV camera sa pension house, dakong 11:00 am noong Sabado nang mag-check-in mag-isa ang biktima at nagbayad para sa overnight stay.

Sinabihan umano ng biktima ang front desk officer na may inaasahan siyang darating na kasamang lalaki at patuluyin na lang sa kaniyang kuwarto.

Kinahapunan ng nabanggit na araw, dumating ang lalaki na hindi natukoy ang pagkakakilanlan. Dakong 6:00 p.m. ay lumabas umano ng pension house ang dalawa at bumalik pagkaraan ng ilang oras.

Kinabukasan ng hapon, (Linggo), natagpuan na ang bangkay ng biktima at wala na ang lalaki.

Ayon sa isang room attendant, may nakarinig ng ingay mula sa kuwarto ng biktima bago siya nakitang patay pero hindi nabigyan ng sapat na pansin.

Inaalam pa ngayon ang pagkakakilanlan ng lalaking kasama ng biktima, na itinuturing suspek sa krimen.

Hindi pa matukoy ang posibleng motibo sa karumal-dumal na pagpaslang. -- FRJ, GMA News