ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Grade 3 pupil, inuntog daw ng guro sa ulo ng isa pang estudyante


Dahil sa hindi raw pakikinig sa klase, pinag-untog umano ng isang elementary teacher ang ulo ng dalawa niyang estudyante sa Minglanilla, Cebu. Ang isa sa dalawang mag-aaral, dumanas ng matinding trauma at ayaw nang pumasok.

Ayon sa ulat ni Alan Domingo ng GMA-Cebu sa GMA News TV's Balita Pilipinas nitong Martes, sinabi ng batang itinago sa pangalang "Junjun," na nagalit sa kaniya ang guro nang malaman na naglalaro siya.



Kasunod nito ay inuntog daw ng guro ang ulo niya sa isa pa niyang kamag-aral.

Dahil sa pangyayari, nilagnat at nagkabukol umano ang bata. Nang ipasuri ng ina si Junjun sa duktor, lumitaw sa medical certificate na nagkaroon ito ng minor physical injury.

Bunga nito, ipina-blotter nila sa Minglanilla police ang pangyayari. Sinubukan naman daw ng guro na makipag-areglo sa pamilya ng biktima at nag-alok ng P10,000 pero tinanggihan ng ina ni Junjun.

Nais daw nilang ituloy ang reklamo para hindi na ito maulit sa iba pang mag-aaral at mabigyan ng hustiya ang kaniyang anak.

Sinubukan ng GMA News na kunin ang panig ng inirereklamong guro pero tumanggi itong magpaunlak ng panayam. -- FRJ, GMA News

Tags: childabuse