ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Epekto ng mainit na panahon, ramdam na sa Ilocos region


Nararamdam na ang epekto ng mainit sa panahon sa ilang lugar sa Ilocos region. Sa Caoayan, Ilocos Sur, marami na ang namamatay na mga isda at kinukulang naman sa suplay ng tubig ang mga residente sa Bangued, Abra.

Sa ulat ni Manny Morales ng GMA-Ilocos sa Balita Pilipinas nitong Huwebes, idinahilan ng Bangued Water District sa Abra ang maiinit na panahon kaya kinakapos na sila ng suplay ng tubig sa kanilang konsumer.

Upang hindi tuluyang maubos ang suplay, tuwing gabi at madaling araw lang nagkakaroon ng tubig sa mga gripo ng mga bahay.

Dahil dito, napipilitan ang ilang residente na gumising nang maaga para makaipon ng tubig na kanilang gagamitin sa buong araw.

Ang ilan residente, bumili na ng mga tangke na pwedeng pag-imbakan ng tubig.

Ayon sa Bangued Water District, iisa lang ang kanilang water source na nagsu-supply ng tubig sa mahigit 8,000 libong kabahayan.

Bunga nito, sinuspinde na ng water district ang aplikasyon para sa bagong linya ng tubig dahil hindi na raw nila kayang dagdagan pa ang kanilang mga sineserbisyuhan.

Fish kill

Samantala, dahil pa rin sa mainit na panahon, nagsisimula nang maranasan sa mga palaisdaan sa Caoayan, Ilocos Sur ang pagkamatay ng mga isda.

Ayon sa mga mangingisda, umaabot na sa 15 hanggang 20 piraso ng isda o katumbas ng dalawang kilo ang namamatay na isda sa kada fish cage bawat araw.

Sinabi ng Fisheries Office, na hindi maiiwasan ang fish kill kapag mainit ang panahon lalo na kapag hindi sinusunod ng mga fish cage owner ang tamang pag-aalaga sa mga isda.

Paalala ng Fisheries Office, 3,500 hanggang 4,000 isda lang dapat ang ilagay sa kada 10 by 10 metro na palaisdaan para hindi kulangin sa suplay ng oxygen ang mga isda.

Apektado ang mga bilanggo

Kalbaryo rin sa mga nagsisiksikang preso sa Ilocos Norte Provincial Jail ang mainit na panahon na pinalala pa ng kakapusan ng tubig na panligo.

Napag-alaman na nawalan na ng tubig ang dalawang balon sa bilangguan dahil sa mainit na panahon.

Ang isang inmate dito, sinabing lalong lumala ang sakit na asthma dahil sa sobrang init at siksikan sa kanilang selda.

Para maibsan ang kalbaryo ng mga bilanggo, regular na raw na pinalalabas mula sa mga selda ang mga inmate. At kahit limitado ang tubig, dalawang beses na rin nilang pinapayagang maligo ang mga preso sa isang araw para maginhawaan ang pakiramdam ng mga ito at maiwasan ang heat stroke. -- FRJ, GMA News