ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Sunog sa CDO kung saan nasawi ang isang mag-ama, hinihinalang sinadya


Hinihinala ng ilang residente na posibleng sinadya ang sunog sa isang barangay sa Cagayan de Oro city, na naging dahilan ng pagkasawi ng isang mag-ama.

Sa ulat ni Joe Legaspina ng GMA-Northern Mindanao sa Balita Pilipinas nitong Biyernes, sinabing sa mga tent nagpalipas ng magdamag ang may 142 pamilya na nasunugan sa barangay 35.

Sa tala ng Bureau of Fire Protection, nasa mahigit 50 kabahayan ang tuluyang naabo sa sunog at nasa P10 milyong ang halaga ng napinsalang ari-arian.



Kinilala naman ang mga nasawi na sina Ismael Jason Dumagat, at anak niyang si Jervey, na 10-anyos pa lamang.

Nakulong at hindi na nakalabas ng mag-ama dahil sa makitid umanong daan palabas sa isang boarding house.

Nadamay din sa sunog ang bahay ng kapitan ng barangay.

Naniniwala siya na hindi aksidente ang nangyaring sunog. Matagal na raw kasing pinapaalis ng may-ari ng lupa ang mga informal settler na nakatira sa lupain nito.

Kabilang ang mga bahay ng mga informal settler sa mga nasunog.

Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang may-ari ng lupa, at patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad. -- FRJ, GMA News

Tags: fire