ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pag-akyat sa Mt. Apo, ipagbabawal muna ngayong tag-init


Ipagbabawal muna ang pag-akyat sa Mount Apo sa Mindanao ngayong panahon ng tag-init, ayon sa Protected Area Management Board.

Sa ulat ng GMA News TV's Balita Pilipinas nitong Biyernes, sinabing hanggang sa Abril 6 na lang puwedeng umakyat sa bundok. Ngunit para na lang daw iyon sa mga nag-book bago sumapit ang Marso 20.

Hindi na raw tatanggap ng reservation o booking ang PAMB sa mga susunod na araw.



Paliwanag ng ahensiya, may problema sa ilang trail sa bundok at natutuyo na ang ilang mapagkukunan ng tubig dahil sa mainit na panahon.

Wala pang anunsyo ang PAMB kung kailan muling papayagan ang pag-akyat sa Mt Apo.

Tigil operasyon sa Ariel's Point

Samantala, ipinatigil naman ng lokal na pamahalaan ng Bur-wangga sa Aklan ang operasyon sa tourist spot na Ariel's Point.

Marami raw paglabag sa batas ang mga namamahala sa lugar kaya ito ipinasasara. Kabilang daw sa paglabag ay ang hindi pagbabayad ng tamang environmental fee.

Pero kahit daw ipinalabas ang kautusan noong Marso 11, patuloy pa rin daw ang operasyon sa naturang pasyalan.

Naniniwala naman ang mga namamahala sa Ariel's Point na iligal ang utos ng lokal na pamahalaan dahil walang naipakita sa kanilang kautusan mula sa korte. -- FRJ, GMA News