ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

SWS: Tatlo sa limang Pinoy, sang-ayon sa pagsasabatas ng divorce


Tatlo sa limang Pilipino, o 60 percent, ang pabor sa pagsasabatas ng divorce sa bansa, ayon sa bagong survey ng Social Weather Stations (SWS).
 
Sa paglalabas nito ng resulta noong Lunes, sinabi ng SWS, na siyang nagsagawa ng survey mula November 27 hanggang December 1, na mayroon ring rising trend sa pagpabor dito.
 
"Public support for legalization of divorce for irreconcilably separated couples grew into a clear majority of 60 percent in December 2014, from a plurality of 50 percent in March 2011 and a split opinion of 43-44 percent in May 2005," wika nito.
 
Ayon sa survey, 60 percent ng adult Filipinos ang sumasang-ayon sa pagsasabatas ng divorce, kasama ang 38 percent na sumagot ng "strongly" at 22 percent na "somewhat."
 
Nabilang na 29 percent ang hindi pabor -- walong porsiyento para sa "somewhat," at 21 percent para sa "strongly." 
 
Para sa survey, pinresenta ng SWS sa mga respondent ang statement na, "Married couples who have already separated and cannot reconcile anymore should be allowed to divorce so that they can get legally married again."
 
Nagsagawa ng face-to-face interviews ang SWS sa 1,800 adults sa Metro Manila, Balance Luzon, Visayas, at Mindanao.
 
Ang sampling error margins para dito ay: ±2% para sa national percentages, ±6% sa Metro Manila, Balance Luzon at Mindanao area percentages, at ±3% sa Visayas area percentages.
 
Tanong sa mga respondent
 
Sa nasabing survey, tinanong ang mga respondent, "Gaano po kayo sang-ayon o hindi sang-ayon sa pangungusap na ito: 'Ang mga mag-asawang hiwalay na at hindi na maaaring magkasundo pa ay dapat pahintulutang mag-diborsyo para ang mga ito ay legal na makapag-asawa uli?' Kayo po ba ay LUBOS NA SUMASANG-AYON, MEDYO SUMASANG-AYON, HINDI TIYAK KUNG SUMASANG-AYON O HINDI SUMASANG-AYON, MEDYO HINDI SUMASANG-AYON, o LUBOS NA HINDI SUMASANG-AYON sa pangungusap na ito?"
 
Ayon sa SWS, nakita noong March 2011 ang 50 percent na pagsang-ayon dito, na itinuring na "plurality" dahil mas malaki ito sa 33 percent na nagpahayag ng pagtutol.
 
Noong May 2005, nagkaroon ng hating opinyon na nakita sa 43 percent na pagsang-ayon at 44 percent na hindi pagsang-ayon.
 
Dagdag pa nito, ang +31 net agreement noong December 2014 ay "Strong" at pag-angat sa +18, o "Moderate," na net agreement noong March 2011.
 
Ang score noong December 2014 ay isa ring double upgrade mula sa -2 net agreement (neutral) mula May 2005.
 
Para sa SWS, "very strong" ang net agreement mula +50 pataas; "strong" ang +30 hanggang +49; "moderate" ang +10 hanggang +29; "neutral" mula +9 hanggang -9; "poor" ang -10 hanggang -29; "weak" mula -30 hanggang -49; at "very weak" ang -50 pababa.
 
Ang paggalaw mula isang classification ay tinatawag na "upgrade" o "downgrade."
 
Live-in partners
 
Sinabi rin ng SWS na mula May 2005, mataas ang pagsang-ayon sa divorce mula sa mga live-in partner.
 
Dagdag pa nito, ang pagpabor sa divorce ay umangat mula neutral to strong sa mga single, at mula neutral to moderate sa mga may-asawa.
 
Nakita rin sa December 2014 survey na 16 percent ng adult Filipinos ang may kinakasama, doble sa eight percent noong March 2011, at apat na beses na mas mataas kaysa four percent noong May 2005.
 
Ang mga may-asawa naman ay nasa 63 percent, mas mababa sa 67 percent noong March 2011 at 73 percent noong May 2005.
 
Samantala, 21 percent ay single noong December 2014, kumpara sa 24 percent noong March 2011 at 23 percent noong May 2005.
 
Sa mga may live-in partner, 66 percent ang sumang-ayon sa proposition noong December 2014, mas mataas kaysa 52 percent noong March 2011 at 63 percent noong May 2005.
 
"Net agreement has always been strong at +39 in December 2014, +35 in March 2011, and +36 in May 2005," aniya.
 
Singles
 
Sa mga single na respondent, 60 percent ang sumang-ayon sa proposition noong December 2014, mas mataas sa 52 percent noong March 2011 at 45 percent noong May 2005.
 
Tumaas ang net agreement sa pinakabagong survey, na naging strong +33 mula sa moderate +22 noong March 2011 at neutral +7 noong May 2005.
 
Sa mga may asawa naman, 58 percent ang sumang-ayon noong December 20144, mas mataas rin mula sa mga numero noong March 2011 (49 percent) at May 2005 (41 percent).
 
Tumaas rin ang net agreement sa kanila sa moderate +28 mula sa +14 ng March 2011 at neutral -7 ng May 2005.
 
Sinabi ng SWS na may 13-point rise sa overall net agreement mula March 2011 hanggang December 2014, kasama ang pag-angat ng:
  • 29 points sa Metro Manila
  • 18 points sa Mindanao
  • 8 points sa Balance Luzon
  • 7 points sa Visayas.
 
Ayon sa December 2014 survey, 67 percent ng adults sa Metro Manila ang sang-ayon sa proposition, mas mataas sa March 2011 (52 percent) at May 2005 (44 percent). 
 
Ang latest net agreement ay nakita sa strong +46, malaking pag-angat sa moderate +17 ng March 2011 at neutral -1 noong May 2005.
 
Sa Balance Luzon, tumaas sa 62 percent ang payag sa proposition, at may net agreement na moderate +32.
 
Sa Visayas at Mindanao, parehong 55 percent ang sang-ayon. Pareho ring tumaas ang net agreement sa mga lugar na iyon: moderate +20 sa Visayas at moderate +27 sa Mindanao.
 
Classes D and E
 
Ayon pa sa SWS, laging moderate ang net agreement sa pagsasabatas ng divorce sa Class ABC, subalit tumaas mula neutral patungong strong sa Class D, at mula poor patungong moderate sa Class E.
 
Para sa December 2014 survey, 57 percent sa Class ABC ang payag sa proposition, pareho noong March 2011 at mas mababa sa 59 percent noong May 2005.
 
Ang net agreement ay tumaas sa moderate +21 kumpara sa +16 noong March 2011, ngunit mas mababa sa +25 ng May 2005.
 
Sa Class D, 60 percent ang sang-ayon, mas mataas sa March 2011 (52 percent) at May 2005 (42 percent). Good +32 percent ang net agreement sa pinakabagong survey, mataas sa moderate +20 noong March 2011 at neutral -2 ng May 2005.
 
Sa Class E naman, tumaas ang bilang ng mga sang-ayon sa 58 percent, at may net agreement na moderate +28, mas mataas sa +11 ng March 2011 at poor -13 ng May 2005.
 
Lalaki at babae
 
Tumaas rin ang pagsang-ayon sa pagsasabatas ng divorce mula sa mga lalaki at babae, at mas malakas ang pagsuporta mula sa mga lalaki, kahit pa may asawa, may kinakasama, o single.
 
Sa December 2014 survey, 62 percent ng kalalakihan ang sang-ayon sa proposition, at may net agreement na strong +36. 
 
Sa mga babae naman, 57 percent ang payag, at may net agreement na moderate +25.
 
Sa mga lalaking may live-in partner, 65 percent ang payag, at may net agreement na strong +38, samantalang 66 percent ang sang-ayon sa mga babaeng may kinakasama -- mas mataas sa 62 percent noong March 2011, ngunit mas mababa sa 71 percent noong May 2005. 
 
Nananatiling strong ang net agreement sa kategoryang ito ng respondents: +39 sa December 2014, +35 sa March 2011, at +48 sa May 2005.
 
Sa mga kasal na lalaki, 61 percent ang sang-ayon, at strong +33 percent ang net agreement. Sa mga babaeng may asawa, 55 percent ang payag sa proposition, na may net agreement na moderate +22.
 
Sa mga single, 64 percent ng mga lalaki at 56 percent ng mga babae ang sang-ayon, at may net agreement na strong +42 at moderate +22. — Rose-An Jessica Dioquino/RSJ, GMA News
Tags: divorce