ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mangingisda, nagulat sa 'kakaibang' isda na sumabit sa kaniyang lambat


Isang lalaki na 38 taon na umanong nangingisda ang labis na nagulat nang makita na isang dambuhalang isda na may kakaibang histura ang sumabit sa kaniyang lambat sa Cagayan de Oro city noong Sabado.

Sa ulat ni Sozie Alamban ng GMA-Northern Mindanao sa Balita Pilipinas nitong Lunes, sinabing patay na ang isda nang mahuli at dinala sa dalampasigan ng mangingisdang si Jojo Cabatuan para alamin kung ano ito.
 
Nang suriin ng mga tauhan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, dito na natuklasan na isa itong pambihirang megamouth shark na karaniwang naninirahan sa ilalim ng dagat kaya bihirang makita.
 
"Kung iiwan namin sa dagat, mangangamoy lang din 'yan.  Ngayon lang ako nakakita ng megamouth shark sa 38 years ko bilang mangingisda," ani Cabatuan.



Hinala ng BFAR,  posibleng naghahanap ang pating ng makakain kaya ito pumaibabaw sa dagat.

May nakitang ilang sugat sa katawan ng pambihirang pating na may habang 12 talampakan at tinatayang may bigat na isang tonelada.

Inibing na ng mga residente ang megamouth shark sa nasabing barangay Bayabas.

Nitong enero, isa ring megamouth shark ang nalambat ng isang mangingisda sa Pio-Duran sa lalawigan ng Albay.

Buhay pa ang isda na may 15 talampakan ang haba nang malambat pero nanghihina na.

Kinalaunan ay namatay din ito at iprineserba ve ang pating at nakadisplay ngayon sa isang aquarium sa Legaspi City, Albay. -- FRJ, GMA News

Tags: megamouth, sharks