ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Babae ang unang recording artist sa Pilipinas


Hindi lalaki, kung hindi babae ang unang nakapag-record ng kanta sa Pilipinas at binansagang "Nightingale of Zarzuela." Ang pangalan niya, ipinangalan sa isang kalye sa Quiapo, Manila.

Siya si Maria Evangelista Carpena, isinilang noong October 22, 1886 sa Santa Rosa, Laguna.

Sinabing umalis si Maria sa kanilang tahanan Laguna at tumuloy sa Sisters of Charity of Colegio de Sta. Rosa sa Intramuros dahil tutol ang kaniyang ama sa kaniyang pagkanta.

Dito ay naipagpatuloy ni Maria ang kaniyang hilig sa pag-awit at nakapagtanghal sa entablado.

Kinse anyos si Maria nang una siyang makapagtanghal para sa isang benefit concert sa Zorrilla Theater o Duláang Zorrilla sa Recto, Maynila noong 1901.

Sa sumunod na taon (1902), mapili siya ni Severino Reyes, direktor ng Gran Comania de Zarzuela Tagala, na bumida sa sarsuwela na Minda Mora.  

Nasundan pa ito ng maraming pagtatanghal tulad ng Walang Sugat, hanggang sa maiukit niya sa kasaysayan ang kauna-unahang pag-record ng isang awit noong 1908 sa ilalim ng Vicor Recording Company para sa kantang "Ang Maya."

Marso 8, 1915 nang bawian ng buhay si Maria dahil sa tinamong komplikasyon sa operasyon dahil sa appendicitis. Mayroon siyang naiwang tatlong anak.

Isang kalye sa Quiapo, Manila ang ipinangalan sa kaniya. -- FRJ, GMA News

Tags: pinoytrivia