HS graduate, bigong makapag-martsa dahil sa utang na P180 sa paaralan?
Halos maiyak sa sama ang loob ng isang high school graduate dahil hindi siya pinagmartsa sa pagtatapos niya sa kaniyang paaralan sa Camarines Sur.
Sa ulat ni Elmer Caseles ng GMA-Bicol sa GMA News TV's Balita Pilipinas nitong Miyerkules, sinabing dapat sanang magtatapos sa Mantalisay High School sa Libmanan, Camarines Sur nitong Marso 25 ang binatilyong mag-aaral na itinago sa pangalang "Rodel."
Pero hindi raw siya pinayagang magmartsa sa graduation ceremony dahil hindi niya nabayaran ang P180 na tiket na ibinibenta ng paaralan.
"Grabe po yung kahihiyan inabot ko. Pinaghandaan po namin ito nang apat na taon tapos hindi ako makaka-graduate. Masama po ang loob ko," pahayag ni Rodel.
Masama rin ang loob ng mga magulang ni Rodel, at naiparating na raw nila ang kanilang reklamo sa Department of Education (DepEd-Camarines sur).
Pero bago nagsampa ng reklamo sa DepEd, nakiusap pa raw ang ama ni Rodel sa class adviser nito na payagang magmartsa ang anak kahit hindi pa nila nababayaran ang P180.
Ngunit hindi raw pumayag ang guro dahil na rin daw sa direktiba ng pamunuan ng paaralan.
Paliwanag naman ng principal na si Erlinda Carinal, hindi personal na nakipag-usap sa kaniya ang ama ni Rodel.
Idinagdag nito na nagkaproblema daw ang problema sa computer ng paaralan kaya nawala ang pangalan ni Rodel sa listahan ng mga nagmartsa sa graduation.
Gayunman, mayroon naman daw diploma si Rodel kaya nakapagtapos pa rin siya ng high school.
Wala pang pahayag ang DepEd tungkol sa usapin. Pero nauna nang ipinaalala ng ahensiya sa lahat ng pampublikong paaralan na hindi dapat sapilitan ang paniningil ng anumang bayarin sa mga estudyante para maka-graduate. -- FRJ, GMA News