Mga terminolohiyang pang-ulat panahon sa wikang Filipino, ilalabas ng KWF
Para mas madaling maunawaan, maglalabas ng glossary o listahan ng mga terminolohiyang gamit sa weather forecast ang Komisyon sa Wikang Filipino.
Ayon sa ulat ng GMA News TV's News To Go nitong Lunes, sinabing isasama sa ilalabas na glossary ng KWF ang mga kahulugan ng mga salita.
Layunin umano ng komisyon na padaliin ang mga terminolohiya at nang mas madaling maintindihan ng mga tao.
Tinatayang aabot umano sa mahigit 400 na salita at kataga ang ilalagay sa glossary, na sa ngayon ay patuloy pa raw pinapasadahan ng komisyon at ng PAGASA bago isapubliko.
"Pangunahing layunin nito ay padaliin ang wikang teknikal sa metrolohiya upang madaling maunawan ng publiko at maiwasan ang peligro," ayon kay Dr. Benjamin Mendillo, chief translation division ng KWF.
"Kung mas gamay nila ang mga salitang ito at ginagamit na nila, mas nagiging maayos ang paghahanda," dagdag ng opisyal.
Noong 2013, naging kontrobersiyal ang salitang "storm surge" nang manalasa ang bagyong "Yolanda" na kumitil ng mahigit 6,000 katao.
Lumitaw na marami sa mga naapektuhang residente ang hindi lubos na naunawaan ang dayuhang salita na storm surge, na ang kahulugan sa wikang Filipino ay "daluyong," o ang pagragasa ng tubig-dagat sa kalupaan dulot ng bagyo. (WATCH: Mang Tani, ipinaliwanag kung ano ang 'storm surge') -- FRJ, GMA News