Anak, nagkunwaring na-kidnap para maperahan ang sariling ina
Hindi akalain ng isang ina na magagawa siyang lokohin ng sariling anak na nagkunwaring na-kidnap para lang makunan siya ng pera na aabot sa P300,000. Nang mabisto ng ina ang modus ng anak, ipinakulong niya ito kasama ang kasabwat nobya.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News 24 Oras nitong Martes, sinabing dumulog sa National Bureau of Investigation nitong Biyernes Santo ang ginang na itinago sa pangalang "Alicia," para sagipin ang kaniyang 25-anyos na anak na inakala niyang kinidnap.
Kuwento raw kasi ng girlfriend ng anak, dinukot ng mga armadong lalaki ang binata at tumawag daw ang mga ito sa babae para humingi ng P700,000 bilang ransom.
Nagkaroon pa raw ng tawaran hanggang sa bumaba sa P350,000 ang ransom para 'di patayin ang binata.
Sa bayan ng San Miguel sa lalawigan ng Bulacan nakuha ang binata.
Pero sa isinagawang imbestigasyon ng NBI matapos masuri ang cellphone ng magnobyo, lumabas na silang dalawa lang ang nagplano tungkol sa pekeng kidnapping para makunan ng pera ang ina ng lalaki.
Nang malaman ito ng ginang, kinasuhan niya ang anak at ang girlfriend nito.
Ayon kay Atty. Joel Tovera, hepe ng NBI-Anti Illegal Drugs Unit, mahaharap ang magkasintahan sa reklamong attempted robbery extortion.
Sinubukan ng GMA News na kunin ang panig ng lalaki pero tumanggi ito at nais lang daw niyang makausap ang ina. -- FRJ, GMA News