ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

OFW sa Dammam naghihintay ng tulong para di mapugutan


Isa pang overseas Filipino worker (OFW) ang naghihintay mapugutan ng ulo sa Saudi Arabia kasunod ng mapait na kapalaran ni Reynaldo Cortez nitong Miyerkules. Ayon kay Connie Bragas-Regalado, chair ng Migrante International, panahon na para totohanin ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pagtutok ng husto sa mga kaso ng OFWs, lalo na 'yung mga sentensyado na at naghihintay nang kamatayan. Isa sa mga naghihintay nang takdang araw ng pagpugot sa kanyang ulo si Rodelio "Dondon" Lanuza na hinatulang mamatay ng Damman Grand Court sa Saudi noong June 10, 2002. Si Lanuza ay inakusahang pumatay sa isang Saudi Arabian noong Agosto 2000. Sa ekslusibong panayam ni Lei Alviz ng GMA 7 News sa pamilya ni Lanuza, nakikiusap ang mga ito kay Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na tulungan si Rodelio na mailigtas sa kamatayan at makabalik sa Pilipinas. Luhaang umapela ang Lola Belen ni Lanuza sa pamahalaan na huwag matulad sa sinapit ni Cortez ang kanyang apo. Sinabi nito na hindi siya nakatulog simula nang mabalitaan ang nangyari kay Cortez na pinugutan sa Saudi nitong Miyerkules. Tulad ng naulilang pamilya ni Cortez, pakiramdam ng pamilya Lanuza ay kulang ang ginagawa ng pamahalaan sa pag-asikaso sa kaso ng OFW kaya kay Arroyo na sila naninikluhod. “Kami’y nagmamakaawa sa kung anong tulong na magagawa niya sa kaligtasan ng aking apo,’ sabi ni Lola Belen. Hindi pa rin makapaniwala ang pamilya Lanuza kung bakit nasangkot sa krimen ang kanilang apo dahil kilala nila ito na isang mabait at karinyoso. Sinabi naman ni Regalado na bago pa ang pagpugot sa ulo ni Cortez nitong Miyerkules, apat na OFWs na ang napugutan sa Saudi noong 2005. “For as long as the Philippine government relies on the export of Filipino workers to prop up its ailing economy, there will always be OFWs languishing on death row and in prison overseas," ani Regalado. Ayon sa listahan ng Department of Foreign Affairs, mayroon pang 33 OFWs na nakasalang sa death row sa ibat-ibang bansa, bukod pa sa may 5,000 migranteng manggagawa na nakakulong. Kasabay nito, nais ng Migrante na bigyan ng katiyakan ng pamahalaan ang mga kaanak ni Cortez na maiuuwi ang labi ng pinugutang OFW. “Given that the Arroyo regime failed Rey while he was alive, the least they can do is ensure his remains are now reunited with his family, especially his children. It’s ironic that while hundreds of OFWs are set to be repatriated from Saudi Arabia, the Arroyo administration can’t ensure the repatriation of the remains one OFW who was hit with the most extreme form of injustice overseas," ani Regalado. Agad na nakipag-ugnayan ang Migrante sa pamilya ni Cortez sa Guagua, Pampanga matapos makumpirma ang nangyari sa OFW. Sinabi ni Regalado na dalawang ulit nag-text sa kanya si Cortez nitong Mayo 10 upang ipaalam ang kanyang pangamba sa kanyang buhay dahil sa kawalan umano ng aksyon ng pamahalaan sa kanyang kaso. Iginiit naman ni DFA Migrant Affairs Undersecretary for Migrant Workers Affairs Esteban Conejos Jr, na nag-alok ang pamahalaan ng blood money sa pamilya ng Pakistani na napatay ni Cortez ngunit tumanggi ang mga ito na patawarin ang OFW. - Fidel Jimenez, GMANews.TV