Insidente ng jellyfish sting sa Lingayen beach, dumami
Tumaas ang insidente ng jellyfish sting sa Lingayen beach mula nang magsimula ang tag-araw. Ayon sa mga awtoridad, posible pa raw itong tumaas dahil na rin sa patuloy na pag-init ng panahon at mahaba pang bakasyon.
Sa ulat ni Jasmin Gabriel ng GMA-Dagupan sa Balita Pilipinas nitong Miyerkules, sinabing mula nang magsimula ang panahon ng tag-init, umabot na sa 21 ang insidente ng jellyfish sting sa Lingayen beach na naitala ng Pangasinan Provincial Health Office o PHO.
Inaasahan ng PHO na tataas pa ang bilang ng mga masasalabay dahil na rin sa mahaba-haba pa ang bakasyon at patuloy din na pag-init ng panahon.
Nakaantay naman ang medical team ng PHO sa Lingayen beach para tumugon at magbigay ng paunang lunas sa mga mabibiktima ng mga dikya.
Kasabay nito, nagpaalala naman si Dra. Ana Marie de Guzman, opisyal ng PHO-Pangasinan, sa publiko na maging maingat lalo na ang mga bata na may allergy.
Sa kabila ng pagdami ng mga dikya, patuloy naman na dumadagsa ang mga tao para magtampisaw sa beach.
Ang iba sa kanila, may dala ring pangontra sa salabay tulad ng kalamansi na sinasabing makakatulong sa paggamot sa kati sakaling madikitan ng dikya.
Ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, karaniwang dumarami ang dikya na malapit sa pampang kapag tag-init dahil sinusundan ng mga ito ang kinakain nilang maliliit na isda.
Tiniyak naman ng BFAR na ligtas pa rin maligo sa dagat pero dagdagan na lamang ang pagiging alisto sa mga dikya. -- FRJ, GMA News