ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Ama, binaril at napatay ang anak para mailigtas ang asawa


Sa isang kritikal na sitwasyon, isang ama sa Laguna ang gumawa ng mabigat na desisyon. Binaril at napatay niya ang sariling anak para mailigtas sa kapahamakan ang kaniyang asawa na inuundayan umano ng saksak ng biktima.

Sa ulat ni Chino Gaston sa GMA News TV's "Balitanghali" nitong Biyernes, sinabing naganap ang trahediya sa pamilya Caraan ng Santa Maria, Laguna nitong Huwebes ng tanghali.

Kuwento ng sumukong ama na si Tiburcio Caraan, inabutan niya ang kaniyang 40-anyos na anak na si Nestor Rodel, na inuundayan ng saksak ang sarili nitong ina.
 
Dahil hindi umano maawat ang anak sa nagwawala, napilitan ang suspek na kunin ang kaniyang kalibre .45 na baril, at binaril sa likod ang sariling anak na ikinamatay nito.



Mabilis namang isinugod sa pagamutan ang ginang at ligtas na ito sa kapahamakan.

Matapos ang insidente, sumuko sa pulisya si Tiburio, dala ang lisensiyadong baril.
 
Malaki man ang pagsisisi sa pagkakapatay sa sariling anak, sinabi ni Tibucio na pinili niyang iligtas ang buhay ng kaniyang asawa.
 
Napag-alaman din kay Tibucio na dati nang na-confine ang anak sa mental hospital, at nitong nakaraang tatlong araw ay bigla na lang daw nanahimik hanggang sa maganap ang pagwawala.

Hinihinala ng mga awtoridad, maaaring hindi nakainom ng gamot ang biktima kaya naging marahas ito.

Bagaman maituturing self defense ang nangyaring insidente, sasampahan pa rin ng kasong parricide ang suspek, ayon sa pulisya. -- FRJ, GMA News

Tags: parricide, crime