May-ari ng shop at isang kostumer, patay sa tindang milk tea
Dalawa katao ang nasawi at isa pa ang naospital matapos na malason umano sa ininom na milk tea sa isang tindahan sa Maynila nitong Huwebes ng umaga. Kabilang sa nasawi ang may-ari mismo ng tindahan.
Sa imbestigasyon ng pulisya, kinilala ang nasawing kostumer na si Suzanne Dagohoy, at ang may-ari ng milk tea shop sa Bustillos, Sampaloc na si William Abrigo.
Isinugod naman sa ospital ang nobyo ni Dagohoy na si Arnold Aydalla.
Kuwento ni Aydalla, dakong 11:00 am nang bumili sila ni Dagohoy ng milk tea sa Ergo Cha na ginawa raw mismo ni Abrigo.
Kaagad daw napansin ni Aydalla ang masamang lasa ng inumin nang tikman niya. Tinikman din umano ni Dagohoy ang inumin bago ibinalik kay Abrigo, na tinikman din ang ginawang produkto.
"Masama po talaga ang lasa niya. Sinabi ko po siya kay Suzanne. Si Suzanne po tinikman din. Pagsubo ko po ng candy sa kanya, ayun po, bigla na lang natumba," pahayag ni Aydalla sa GMA News "24 Oras".
Ayon sa mga saksi, unang nawalan ng malay si Dagohoy, at sumunod na sina Aydalla at Abrigo pagkaraan lang ng ilang minuto.
Isinugod ang tatlo sa Ospital ng Sampaloc kung saan pumanaw sina Dagohoy at Abrigo.
Ayon sa mga awtoridad, kumuha sila ng sample ng milk tea na nakalason sa tatlo para masuri ng Food and Drug Administration. Isasailalim din sa awtopsiya ang mga labi nina Dagohoy at Abrigo.
Ayon kay Manila Police District spokesperson Supt. Marissa Bruno, inaalam nila kung nagkaroon ng kontaminasyon o sadyang panis na produkto ang dahilan ng pagkakalason ng mga biktima.
Tumanggi muna ang pamilya Dagohoy na magbigay ng panayam sa nangyari, ayon sa ulat ng "24 Oras."
Wala pa raw planong magsampa ng kaso ang pamilya nito dahil nakikipag-ugnayan naman sa kanila ang pamilya ni Adrigo.
Gayunman, nagtungo sa mga biktima ang Public Attorney's Office para magkaloob ng kanilang legal na tulong.
Sinabi ni PAO chief Atty. Persida Rueda-Acosta, na dapat maimbestigahang mabuti ang insidente para sa kapakanan ng publiko.
"Bagamat gusto nila makipag-settle later, sana magkaroon muna ng thorough investigation kasi kahit sino pwede maging biktima dito lalo na 'yung may-ari mismo nalason din," ani Acosta.
Naniniwala naman ang isang pang opisyal ng PAO na hindi ordinaryong food poisoning ang nangyari sa tatlo.
"Kaya nga lahat ng mga food items may expiration date 'yan kasi ang food items they contain chemicals na pwedeng magkaroon ng reaciton 'pag masyadong matagal na or pwedeng ma-contaminate," ayon kay Dr. Erwin Erfe, director ng Forensic Lab ng PAO. -- FRJ, GMA News