ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Anak ka ng Tatay mo...


Sa iyo Kapuso, Sana mailathala n'yo itong sanaysay ko sa Araw ng mga Tatay. Gusto kong malaman niya na nasaan man ako, di kailan man maaring mabura ang pangalan niya na dala-dala ko at ng kanyang apo na patuloy naming iingatan at pangangalagaan dahil higit sa lahat, ito ang ang pinakamahalagang pamana niya para sa akin. Ang kanyang apelyido. Anak ka ng Tatay mo.. Hunyo na naman. Pasukan para sa mga estudyante. Ngayong taon na ito, proklamasyon para sa mga nanalo ng halalan diyan sa Pinas. Pero may isang araw na napakahalaga tuwing buwan ng Hunyo, ang "Father's Day." Noong bata ako, palibhasa maka-nanay tapos laki sa lola, di ko iniintindi ang araw na ito. Ni hindi ko nga alam ang eksaktong araw ng "Father's Day." Ang lagi lang na tinatandaan ko ay 'yung "Mother's Day". Kasi naman si Tatay, nung bata pa kami ng kapatid ko, madalas kapag Linggo, kasama ng mga ka-huntahan niya sa may tapat ng bahay namin. Pag sinuwerte-suwerte, tatagay sila habang namumulutan ng kuwento. Ganyan naman ata ang mga Tatay. Kayod ng Lunes hanggang Sabado tapos kuwentuhan sa mga kapwa tatay kapag Linggo ng hapon. Naiisip ko dati, si Tatay maki-barkada kasi imbes na kasama namin maghapon, mas gusto pang makipaghuntahan ng tungkol sa mga walang kuwentang bagay kasama ng mga kapitbahay namin. Pero habang nagkakaedad na ako, unti-unti kong naa-"appreciate" yung mga ginawa ng Tatay ko. Di ko makalimutan yung pagpasan sa akin ng Tatay ko nung apat na taon pa lang ako para makapanood ako ng TV sa kapitbahay namin. Wala kasi kaming TV nung mga panahon na yun. Yung pagbili ni Tatay ng baril-barilan na regalo sa akin nung pitong taon na ako kahit wala siyang kapera-pera dahil sira yung dyip na pinapasada niya. Ayaw niyang magmukhang kawawa kami ng kapatid ko nung Paskong iyon kaya gumawa siya ng paraan na mabilhan kami ng laruan. Yung gabi-gabing pag-uuwi ni Tatay ng "footlong hotdog" galing sa "Pac-man foodhouse" sa may Kalookan. Kahit natutulog na kami ng kapatid ko, gigisingin niya kami para malantakan namin ang uwi niya. Yung pag-uuwi niya ng espesyal na bibingka mula umpisa ng Simbang-gabi hanggang sa Araw ng Pasko. Paborito kasi ng Nanay yun. Yung pagharap ni Tatay dun sa lasing na nanghabol sa akin sa may amin kasi napagkamalan akong kasama nung kaaway nila. Ang tapang ng Tatay ko nun. Marami pang mga bagay na ginawa si Tatay para sa akin, para sa kapatid ko, para sa Nanay ko, para sa aming lahat. Nakaka-miss kasi malayo ako ngayon sa kanila. Oo, andito ako sa malayong bayan ng Singapore. Kasama ko ang asawa't anak ko. Yung anak kong isang taon at kalahati pa lamang ang edad pero napakakulit. Naisip ko nga kangina, siguro 'yung anak ko, parang ako din nung maliit pa ako. Kasi marunong nang magtampo yung Jepoy ko. 'Yun ang palayaw niya. Pinalo ko kasi nung Linggo dahil sa sobrang kulit, nagtampo ba naman. Ayaw na akong "i-kiss saka i-hug". Pero kapag may nakatatakot na palabas sa TV, sa akin pa rin tumatakbo saka umaakap. Tapos kagabi, ayaw matulog kung di ko aakapin. At least si Jepoy ko, maliit pa lang, naipaparamdam niya na sa akin na naa-appreciate niya yung ginagawa ko. Di tulad ko, matanda na ako nung nalaman kong mahal pala kami ng Tatay ko. Ganun nga ata talaga. Di mo maiintindihan ang lahat kung di mo pa nadadaanan. Kaso nga lang, malayo ako sa Tatay. Andito ako sa Singapore, sila andyan sa Pinas kasama ng Nanay at ng kapatid ko. Pero kahit nasa malayo ako, gusto kong malaman ni Tatay na mahal na mahal ko siya. Kahit nagtatalo kami sa telepono dahil pinagbabawalan ko siya sa paninigarilyo niya at pag-inom niya. Matigas din kasi ulo. Parang ako. Sana di magmana sa amin ang apo niya. Pero alam n'yo, sabi ng Nanay, ng Mahal kong Asawa at ng Kapatid ko, si Tatay daw ang "yesterday" , ako ang "today", at si Jepoy ang "tomorrow". Magkakamukha daw kasi kaming tatlo. Sabi ko mas guwapo ako kaysa sa Tatay pero ayaw pumayag ng Nanay. Tapos ayaw ding pumayag ng Misis ko na mas guwapo ako kay Jepoy. Tsk! tsk! Teka, nakalimutan ko ba? Gusto kong batiin si Tatay ng HAPPY FATHER'S DAY. Kahit andito kami sa malayo, di kita nakakalimutan. Di bale, Itay, bigyan mo lang ako ng kaunting panahon, magsasama-sama ulit tayo. Pero di nga, mas guwapo talaga ako sa Tatay ko. Frederick Perito