Puppy love, last love ni Dr. Jose Rizal
Sinasabing siyam na babae ang bumihag sa puso ng pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal. Pero kilala nyo ba kung sino ang kanyang âpuppy love" at "last love"? Inilarawan ng nooây 15-anyos pa lamang na binatilyong si Rizal si Segunda Katigbak bilang isang dalagita na taglay ang pambihirang kagandahan. Bagaman hindi kataasan ang dalagita mula sa Maynila, mamula-mula naman ang pisngi nito at nakakahalina ang mapuputing ngipin. Ngunit hindi yumabong ang unang pag-ibig na ito ni Rizal dahil si Segunda ay sinasabing ipinagkasundo na ng pamilya upang ikasal sa kanyang kababayan na si Manuel Luz. Ang huling pag-ibig naman ng ating pambansang bayani ay ang 18 anyos na si Josephine Bracken. Isang Irish na asul ang mata na napadpad sa Dapitan kasama ang ama-amahan na si George Taufer. Mula sa Hong Kong ay nagtungo sa Pilipinas si Taufer upang ipasuri kay Rizal ang mga bulag nitong mata. Sinasabing tutol ang mga kapatid ni Rizal kay Josephine sa hinalang baka kasabwat ito ng mga Kastila at maging banta sa buhay ng ating pambansang bayani. Binalak din ni Rizal na pakasalan si Josephine ngunit hindi ito nangyari dahil sa mga kondisyon na hiningi sa kanya ng simbahan kasama na ang pagbawi nito sa mga akusasyon laban sa Espana. Kahit hindi kasal, nagsama sina Rizal at Josephine sa Dapitan kung saan doon namatay ang kanilang anak na isinilang ni Josephine na kulang sa buwan. - GMANews.TV