Lalaki na inakalang babae ng pamilya mula pagkabata, nais magpalit ng pangalan
Walang hinanakit ang isang binatilyo na pinakalaki ng kaniyang mga magulang na isang babae dahil sa pag-aakala nilang babae talaga siya bunga ng kondisyon sa kaniyang kasarian na kung tawagin ay "hypospadias" o deformity sa ari ng lalaki.
Sa ulat ni Rida Reyes sa GMA News 24 Oras nitong Lunes, nakilala ang binatilyong si Kristel Lumabao, 19-anyos, residente ng Laoag, Ilocos Sur, at isang criminology student.
Dahil nagkaroon ng abnormalidad sa histura ng kaniyang pagkalalaki, inakala ng kaniyang mga magulang na babae si Lumabao kaya "female" ang kasarian na nakalagay sa kaniyang birth certificate, at pambabae rin ang kaniyang naging pangalan.
"Noong ipinanganak ko, ang organ niya talaga ay babae. Pero habang siya'y lumalaki nag-iba na kasi yung ano... walang ovary at saka uterus," kuwento ng kaniyang ina na si Erlinda.
Pero habang lumalaki, unti-unti na umanong nagbabago ang hitsura ni Lumabao. Pero sa halip na magdalaga, lumitaw ang kaniyang hitsura bilang isang binata.
Ayon kay Lumabao, napansin niya na hindi siya babae nang tumungtong siya sa high school. Kabilang na dito ang hindi niya naranasan na magkaroon ng buwanang "dalaw."
"Nung lumaki na ako sir, nakita ko na na yung shape ko, shape ng aking katawan ay parang katawan na talaga ng lalaki," paglalahad niya.
"Sinuggest po ng isang duktor na karyotyping. 'Yon po after four weeks po lumabas na po ang resulta. Ang naging interpretation po sa resulta ay normal male," dagdag pa niya.
Paliwanag ng isang duktor, posible raw nagkasakit ang nanay ni Lumabao habang ipinagbubuntis siya, o kaya nama ay namana niya ang naturang kondisyon.
Sa kabila ng nangyari, tanggap ni Lumabao at ng kaniyang pamilya ang kaniyang tunay na pagkatao.
Gusto na rin daw ni Lumabao na ipabago ang kaniyang pangalan bilang si "Ice" Krystler.
Ang ama ni Lumbao, labis ang kasiyahan nang malaman na lalaki pala ang kaniyang anak. -- FRJ, GMA News