Barung-barong sa Maynila, giniba para sa NorthRail project
Daan-daang pamilya ang nawalan ng tirahan sa Sta. Mesa, Manila nitong Miyerkules matapos gibain ang kanilang mga barung-barong upang bigyang-daan ang NorthRail project ng gobyerno. Sa ulat ng radio dzBB, nagkaroon muna ng kaguluhan sa pagitan ng mga residente at demolition team bago naisagawa ang pagsira sa mga bahay. Pumalag ang mga residente na gibain ang kanilang mga tinitirahan dahil walang naipakitang dokumento ang demolition team na nag-aapruba sa pagwasak nito. Naiwasang mauwi sa sagupaan ang kaguluhan nang mamamagitan ang kinatawan mula sa National Housing Authority at mapapayag ang mga residente na lumipat sa housing project na inilaan sa kanila sa Cavite. Ayon kay Manila Police District (MPD) Station 8 commander Superintendent Teodorico Perez, inayos ng kinatawan ng NHA ang problema at nagawang kumbinsihin ang mga residente na lumipat sa resettlement site sa Trece Martires, Cavite. - GMANews.TV