Sinibak na ABC 5 newscaster pinababayaran ng P1-M danyos
Inatasan ng Korte Suprema ang television network na Associated Broadcasting Company (ABC) Channel 5 na bayaran ang dati nilang newscaster ng halos P1 milyon, ayon sa ulat ng radio dzBB nitong Miyerkules. Ayon sa ulat, ang kautusan ng second division ng SC ay bilang sweldo at danyos kay Thelma Dumpit-Murillo, na ngayon ay isang newscaster at host sa radio station dwIZ. Ang kautusan ng korte ay pagsang-ayon sa naunang desisyon ng National Labor Relations Commission (NLRC) pabor kay Murillo at pagbaliktad naman sa naging pasya ng Court of Appeals (CA). Sinabi sa ulat na pumirma ng tatlong buwang kontrata bilang talent newscaster ng ABC-5 si Murillo ngunit ikokonsidera siyang regular employee at tatanggap ng benebisyo at may security of tenure. Ayon kay Murillo, pumayag siyang pirmahan ang kontrata dahil ayaw niyang mawala ang naturang trabaho. Ngunit noong Oktubre 1999 ay tinanggal din siya sa trabaho. Taong 2000 nang katigan ng National Labor Relations Commission (NLRC) ang posisyon ni Murillo pero ibinasura naman ito ng Court of Appeals dahil sa teknikalidad. Bunga nito, iniakyat ni Murillo ang usapin sa SC. Sa 11-pahinang desisyon na isinulat ni Senior Associate Justice Leonardo Quisumbing, sinabi nito na walang palatandaan na boluntaryong pinirmahan ni Murillo ang kanyang kontrata bilang talent. Sa panayam ng radio dzBB, pinuri ni Murillo ang pasya ng SC at itinuring niya itong "landmark ruling." "After seven long years the high court finally decided. It has been a lonely battle," aniya. "God is alive and he works in mysterious ways. While justice grinds exceedingly slow the smell of victory makes the wait all worth it," dagdag pa niya. Sinabi ni Murillo na nahirapan siyang makahanap ng trabaho sa ibang network matapos niyang isampa ang kaso. Apat na taon na nagtrabaho si Murillo sa ABC-5 bago pa ito pamunuan ng business tycoon na si Antonio "Tony Boy" Cojuangco. - GMANews.TV