ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Gatas ng ina vs formula milk umabot na sa SC


Umabot na sa Korte Suprema ang usapin sa plano ng pamahalaan na palawigin ang implementasyon ng National Milk Code bilang suporta sa programa na hikayatin ang mga magulang na palakihin ang mga sanggol sa gatas ng ina sa halip na mga formula milk. Nais ng Department of Health (DOH) na palawigin din ang sakop ng ad ban sa mga formula milk sa mga sanggol hanggang dalawang taon ang edad mula sa kasalukuyang isang taon. Dahil dito, naghain ng demanda ang Pharmaceutical and Healthcare Association of the Philippines laban sa DOH at iginiit na tanging Kongreso lamang ang may kapangyarihan para baguhin ang nilalaman ng naturang batas. Naglabas na ang SC ng kautusan na pansamantalang itigil ng pamahalaan ang pagpapatupad ng bagong patakaran, pati na ang paglalagay ng babala sa mga label ng mga formula milk na makasasama sa kalusugan ng sanggol kung kontaminado ito o mali ang paghahanda. Sinabi ni DOH undersecretary Alexander Padilla na malaki ang bilang ng pagbaba ng mga ina na nagpapasuso sa kanilang sanggol habang tumaas naman ang kita ng mga kumpanya ng formula milk. "We have seen a dramatic decrease of our breast-feeding rates. We have seen an increase of the profits and sale of infant formula companies. They say (formula) makes geniuses out of babies, promotes love and affection, promotes family ... everything positive about infant milk formula," aniya. Bagaman nakasaad na sa label ng mga formula milk ang mensahe na, “breast milk is best for babies,’ nais naman ng DOH na dagdagan pa ito na nagsasaad na “walang pamalit sa gatas ng ina at ang mga formula milk ay dapat lamang gamitin alinsunod sa payo ng mga health workers." Sa isinagawang pagdinig nitong Martes, iginiit ng abogado ng Pharmaceutical and Healthcare Association, na si Felicitas Aquino-Arroyo, na lumampas na ang DOH sa sakop ng kanilang tungkulin. Iginiit niya na malulugi ang mga kumpanya ng gatas tulad ng US-based formula makers na Wyeth, Mead Johnson Nutritionals at Abbott Laboratories, maging ang British-based GlaxoSmithKline, ng halagang aabot sa $208 milyon kung magpapalit sila ng label, at bawiin ang mga produktong na nasa merkado na. Idinagdag pa niya na mapagkakaitan ang mga ina ng impormasyon at kalayaang makapamili kung gagamit ng formula milk kapag itinuloy ang advertising ban sa produkto. "The milk companies have been painted to look like corporate ogres, motivated by nothing more than corporate profits," ani Arroyo. "That is not the issue in this case. We are not battling breast-feeding." Sinabi naman ni Tracey Noe, spokeswoman para sa North Chicago, Illinois-based Abbott, na naniniwala ang kumpanya na pinakamahusay pa rin ang gatas ng ina sa mga sanggol, ngunit mahusay na alternatibo naman ang mga formula milk. "The real focus here is that infant formula is the only healthy, safe, physician-recommended alternative for moms who can't breast feed," aniya. Idinagdag naman ni Kevin Wiggins, spokesman ng Madison, New Jersey-based Wyeth, na hindi nakikita ang educational value sa mg anunsiyo. "We think that's important because it's a channel for education and awareness around infant formula. Our company, like the rest of the industry believes that breast milk is absolutely the best for babies ... But there are other requirements for older children and we think that our products provide a good balance for diet and nutrition," aniya. Nagprotesta naman sa labas ng korte ang ilang ina para suportahan ang programa ng pamahalaan. Inilabas ng mga nagprotesta ang kanilang mga dibdib para ipakita ang kanilang mensahe na, "God's milk is life" and "greedy milk companies." Hiniling ng US Chamber of Commerce kay Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na suriin ang programa ng DOH kaugnay sa isyu ng formula milk dahil sa pangambang makasama ito sa imahe ng bansa para paglagakan ng negosyo. Ayon kay Solicitor General Devanadera, maaaring magkaroon ng exceptions sa ilang anunsiyo. "It is a matter of explaining to our people, for those who have forgotten, that there is no substitute for breast milk," aniya. "We are not prohibiting the sale of milk substitutes, but we are prohibiting the advertisements." Inirekomenda ng World Health Organization na gatas ng ina ang gamitin sa mga sanggol hanggang anim na buwan at patuloy na gamitin ito kasama ang complementary foods pagsapit ng sanggol sa dalawang taon. Batay sa pag-aaral, ang mga sanggol na pinalaki sa gatas ng ina ay mas ligtas sa mga respiratory at intestinal diseases. Samantala ang mga bata binigyan ng formula ay mas mataas ang tiyansang magkaroon ng asthma o allergies, bukod sa obesity. Tinataya ng WHO na 1.45 milyon bata ang namamatay bawat taon sa mga mahihirap na bansa dahil sa mababang bilang ng nagpapasusong ina. - GMANews.TV