ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

2 milk tea shop sa Davao City, nabistong gumagamit daw ng expired na pansahog


Dalawang tindahan ng milk tea sa Davao City ang iniimbestigahan ng City Health Office matapos na mabisto na gumagamit daw ng expired na pansahog sa itinitinda nilang inumin.

Sa ulat ni Sarah Hilomen-Velasco ng GMA-Davao sa Balita Pilipinas nitong Miyerkules, sinabing posibleng ipasara ng CHO ang dalawang tindahang nagbebenta ng milk tea at nakapuwesto sa loob ng isang malaking mall sa Davao city.



Sa isinagawang pag-inspeksiyon umano, natuklasan ng CHO na expired na ang mga pansahog sa tindahan. Bukod dito, hindi rin daw naiintindihan ang nakasulat sa label ng powder, gulaman, at iba pang pansahog na produkto.

"Sabi ng food handler, utos daw ng amo niya so it's worrysome because it is located in a very famous mall," ayon kay Robert Oconer, environment and sanitation head, CHO.
 
Noong isang linggo pa nagsimula ang CHO sa paglilibot at pag-iinspeksyon sa mga registered refreshment parlor sa lungsod.

Sa 19 tindahan, dalawa ang natukoy ng CHO na gumagamit daw ng expired na pansahog. Nakuha sa mga tindahan ang 22 pack ng powdered tea at tatlong kahon ng mga pangsahog.

Ayon sa CHO official, kawawa ang mga kostumer na bumibili ng nasabing inumin dahil hindi nila nalalaman na expired na pala ang mga pansahog sa binibili nilang produkto.

Nanawagan din ang CHO sa pamunuan ng mall na suriin ding mabuti ang mga ibinibenta ng kanilang mga tenant. -- FRJ, GMA News

Tags: milktea