Batang naglalaro, patay matapos mabagsakan ng bunga ng niyog
Nauwi sa trahediya ang paglalaro sa labas ng bahay ng isang walong-taong-gulang na batang lalaki matapos siyang mabagsakan ng bunga ng niyog na dahilan ng kaniyang pagkamatay sa Alabel, Sarangani.
Sa ulat ni Jennifer Solis ng GMA-GenSan sa GMA News TV's Balita Pilipinas nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Rey Borasanal.
Kuwento ng ama ng biktima, naglalaro ang kaniyang anak sa kanilang bakuran kasama ang nakababata nitong kapatid nang mangyari ang trahediya.
May pinulot daw si Rey at nataon na bumagsak ang bunga ng niyog na tumama sa batok nito.
Isinugod sa ospital ang bata pero idineklara siyang dead on arrival.
Natatakot man ang pamilya na maulit ang insidente,'di naman sila makaalis sa tinitirahan nila dahil wala na raw silang ibang mapuntahan. -- FRJ, GMA News