Itlog ng manok, apektado rin ng mainit na panahon
Mas mataas ang mercury, mas maliit ang itlog.
Maging ang mga itlog na inilalabas ng mga inahing manok sa isang poultry farm sa Ilocos Sur ay apektado rin ng matinding init ng panahon.
Reklamo ng mga may-ari ng poultry farm, lumiliit ang kanilang kita sa mas maliit na itlog.
"Mahal noon iyong pinakamalaki pero mura na ngayon kasi lumiit na," ayon sa chicken grower na si Mac Tara sa Sto Domingo, Ilocos Sur.
Upang matulungan ang mga inahen, pinapainom ang mga ito ng mas maraming bitamina.
Payo naman ng municipal agriculture office, dapat tiyakin ng mga may-ari ng poultry farm na may sapat na tubig at hangin ang kanilang mga manok.
Samantala, dahil sa init din ng panahon ay nabawasan ang bilang ng mga baboy na kinakatay sa Mangaldan, Pangasinan.
"Kasi mainit, kaya namamatay ang baboy," ayon kay Tony Garin ng Mangaldan livestock market.
Kung dati ay isa o dalawang beses lang paliguan ang mga baboy sa isang araw, ngayon ay ginawa na itong limang beses.
Tiniyak naman na ligtas sa mga sakit at ligtas kainin ang mga baboy na kinakatay sa Mangaldan.
"(P)agpasok naman nila rito, chini-check naman. May mga nagche-check naman talaga, tapos wala naman nang (sakit)... kino-condemn 'pag may sakit," ayon kay Ellen Noe ng Mangaldan slaughterhouse. -- FRJ, GMA News