Chicken dressing plant sa Pangasinan, binulabog ng bomb scare
Natigil ang operasyon isang chicken dressing plant sa San Fabian, Pangasinan nitong Huwebes matapos na makatanggap ng bomb threat.
Sa ulat ng GMA News TV's Balita Pilipinas nitong Biyernes, sinabing may natanggap na text message ang nagtatrabaho sa plant mula sa hindi matukoy na sender na nagsabing may itinanim na dalawang bomba sa lugar.
Dahil dito, itinigil ang operasyon sa planta at kaagad silang humingi ng tulong sa mga awtoridad.
Kaagad namang rumesponde ang pulisya kasama ang SWAT at mga bomb expert. Pagkaraang masuri ang planta, walang nakitang pampasabog sa lugar.
Tumangging magbigay ng pahayag ang pamunuan ng planta tungkol sa insidente, habang inaalam naman ang motibo sa likod ng pananakot.
Samantala, pinigil sa Sual Police Station sa Pangasinan ang isang trak na may kargang saku-sako ng batong nagtataglay ng mga mineral.
Mula umano ang mga ito sa bayan ng Infanta at dadalhin sana ang mga bato sa Bulacan.
Ayon sa pulisya, walang maipakitang permit to transport ang drayber ng trak na si Dominador Tuazon, Jr., nang sitahin ito sa barangay Caoayan.
Tila peke rin daw ang ipinakita ng drayber na delivery receipt dahil wala itong official receipt number at pirma ng provincial treasurer.
Hindi na nagbigay ng pahayag si Tuazon. -- FRJ, GMA News