ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Kasong kudeta kay Honasan iniatras na ng DoJ


Iniurong na ng Department of Justice (DOJ) nitong Biyernes ang mga kaso ng rebelyon laban kay Sen Gregorio “Gringo" Honasan, ayon sa balita ng radyong dzBB. Sa isang resolusyon na pinirmahan ni kalihim Raul Gonzalez, pumanig ang DOJ sa petisyon ng senador na balikan ang kasong isinampa sa kanya. Binaligtad ni Gonzalez ang naunang desisyon ni State Prosecutor Irwin Marayag sa kasong kudeta laban kay Honasan. "(Honasan) and the legal team are relieved and thankful for accordance of due process," ani Danilo Gutierrez, abogado ni Honasan sa isang text message sa GMANews.TV. Nanalo sa ika-10 pwesto si Honasan sa nakaraang May 14 elections kung saan sinasabing magtatatag sila ng Cavalier’s Club kasama ang kapwa niya Philippine Military Academy alumna na sina Sen Rodolfo Biazon, Sen Panfilo Lacson, at Sen Antonio Trillanes IV sa pagbubukas ng bagong sesyon ng Kongreso. Nauna nang nagpahayag si Honasan sa isang panayam sa GMANews.TV webcast na kumpyansa siyang mapapawalang sala at madi-dismiss ang kaso. Hindi pa mahingan ng statement si Honasan dahil kasalukuyan itong nasa bakasyon, ayon kay Gutierrez. Nadawit ang pangalan ni Honasan sa naganap na Oakwood mutiny noong ika-27 ng Hulyo 2003 matapos niya diumanong engganyohin ang mga sundalong nabibilang sa Magdalo Group ni Trillanes. Nagtago si Honasan ng ilang buwan subalit nahuli rin sa isang operasyon ng mga pulis noong Nobyembre ng nakaraang taon sa Lungsod ng Quezon. Pinayagan siya ng Makati Regional Trial Court na magpiyansa noong Abril, tatlong linggo bago ang Mayo 14 eleksyon. Noong ika-13 ng Mayo, hiniling ni Honasan na i-reconsider ng DOJ ang resolusyon nito noong ika-18 ng Abril kung saan inaakusahan siyang “architect" ng nabigong Oakwood mutiny. Sa kanyang pansamantalang paglaya, may usapan na gagawin siyang kapalit ng isa sa mahihinang miyembro ng Team Unity, subalit tumakbo na lamang siya bilang independent. Kulang sa ebidensiya Sa 19-na pahinang resolusyon sa “petition for review" na isinumite ni Honasan, sinabi ni Gonzalez ang kakulangan ng ebidensiya laban sa mambabatas, na naging daan upang iurong ang kaso niya sa korte ng Makati. "Wherefore, after a judicious review of the record, there being an insufficiency of evidence, the petition for review is granted, and the complaint against respondent is dismissed," a ni Gonzalez. Ayon sa kanya, nabigo ang Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) na iugnay si Honasan sa nabigong kudeta bilang tagahikayat o “dramatis persona" sa pangyayari sa Oakwood. Ani Gonzalez, hindi ipinakitang inatake ni Honasan ang Oakwood Premier Hotel sa Glorietta, Makati City upang agawin ang kapangyarihan sa gobyernno, o kaya’y kasama siya ng mga sundalong Magdalo. Binigyan niya rin ng merito ang affidavit ni Honasan na nagsasabing nagtungo siya sa hotel kasama sina Sen Rodolfo Biazon at Tito Sotto at dating Environment Secretary Michael Defensor upang kumbinsihin ang mga sundalo na kumalma. Ayon kay Gonzalez, ang advocacy na paggamit ng armas at dahas upang makamit ang National Recovery Program (NRP) ni Honasan ay nakapaloob sa kalayaang magpahayag ng senador. "Considering that complainant's evidence against respondent senator consisted of speeches and statements advocating violence to overthrow the government which is protected speech and the absence of any overt act showing his participation in the Oakwood, there is no sufficient evidence to indict respondent Senator for," sabi ni Gonzalez. Ang NRP ni Honasan na sinasabi ng military na binuo niya noong ika-24 ng Hunyo 2003 sa Plaza Miranda, Maynila ay naglalayong maglunsad ng isang sibilyang administrasyon sa oras na maagaw na ang kapangyarihan sa gobyerno at makapagtatag ng isang junta (military dictatorship). Binaligtad na desisyon ng Prosekusyon Iniresolba na ng mga DOJ prosecutors kamakailan na hinikayat ni Honasan ang mga sundalong Magdalo upang gamitin ang dahas sa pag-implementa ng kanyang NRP. sa kanyang “motion for reconsideration," iginiit ni Honasan na ang naganap sa Oakwood ay hindi maaring sabihing kudeta kundi isa lamang "armed assembly of disillusioned soldiers." Matapos makakita ng probable cause, nagpasa ang DOJ ng ikaapat nilang “amended information" sa harap ng korte sa Makati upang kasuhan si Honasan na lider ng bigong Oakwood mutiny. Ang pagpapasa ng impormasyon na ito ay may intensyong ituwid ang naunang reklamo kung saan nabigo ang prosekusyon na idiin si Honasan bilang lider ng sinasabing bigong kudeta. Ang kabiguang ito ang nag-udyok kay Makati Regional Trial Court Judge Oscar Pimentel na pagbigyan si Honasan na na magpiyansa noong ika-20 ng Abril sa ilalim ng argumentong ayon sa Section 13, Article III ng 1987 Constitution, maaring panandaliang makalaya ang sinumang tao "… Except those charged with offenses punishable by reclusion perpetua when evidence of guilt is strong." Isang dating Army colonel, si Honasan ay may malaking ginampanan sa 1986 EDSA “people power". Pinangunahan niya ang ilang coup attempts sa panunungkulan ni dating Pangulong Corazon Aquino sa huling bahagi ng dekada ’80. Binigyan siya ng amnestiya ni dating Pangulong Fidel Ramos matapos pumirma ng peace accord sa pagitan ng gobyerno. Mark J. Ubalde, GMANews.TV