Drayber ng kotseng Jaguar na kinainitan ng netizens, lumantad na
Lumantad at nag-sorry ang drayber ng mamahaling kotse na inulan ng batikos sa social media dahil sa viral video nito kung saan nakita siyang nag-counterflow pero siya pa ang galit at nanita sa sasakyan na kaniyang nakasalubong Bonifacio Global city sa Taguig.
Sa exclusive report ni Jiggy Manicad sa GMA News 24 Oras nitong Martes, nakilala ang drayber ng Jaguar na si Joel Padiernos, empleyado ng Employers Bright Response Manpower Agency.
Napag-alaman na ang kotseng Jaguar na minamaneho ni Padiernos ay kaka-pull out lang niya sa Jaguar Philippines matapos na rentahan ng kaniyang kumpanya.
Paliwanag ni Padiernos, lumiko siya pakaliwa sa isang bahagi ng Bonifacio Global city. Dahil hindi raw siya makapasok sa tamang lane, nag-counterflow siya at kinuha ang maluwag na lane kung saan nakasalubong niya ang sasakyan na nakunan siya ng video.
"Dahil maganda yung sasakyan na dala ko, nasubukan ko pong magpatakbo ng mabilis. Pero sa ganung pong ano inaamin ko na nagkamali ako sa nangyari, na humihingi po ako ng public apology lalong-lalo na po sa taong nakasalubong ko," pahayag ni Padiernos.
Napag-alaman din na Pebrero pa nangyari ang insidente at dahil sa viral video ng Topgear, ngayong Abril lang nalaman ng mga superior ni Padiernos ang insidente.
Kasabay ng paghingi rin ng kompanya ng paumanhin sa nangyari, tiniyak nilang papatawan ng karampatang parusa si Padiernos. -- FRJ, GMA News