Aktor, asawa, pulis huli sa drug session
Apat katao kasama ang isang aktor at asawa nito ang nahuli sa drug raid na isinagawa ng mga pulis sa Taguig City nitong Biyernes. Sinasabing naaktuhan ng mga operatiba ng Station Anti-Illegal Drugs-Special Operations Task Force (SAID-SOTF) habang gumagamit ng ipinagbabawal na droga sina Bing Davao, 47, at asawa nitong si Fatima, 39, sa room 202, Building 4 sa Maharlika condominium. Sa ulat ng Sun-Star Manila (www.sunstar.com.) , bukod sa mag-asawang Davao, nahuli rin sa nasabing operasyon sina PO1 Abdulpatta Tula, 28; at dating pulis na si Hasbi Muco, 39. Nakuha kay Tula, nakatalaga sa Taguig Police Community Precinct 2, ang kanyang service handgun. Samantala, si Muco ay residente ng Barangay Upper Bicutan. Nakumpiska sa nasabing raid ang hinihinalang methamphetamine hydrochloride (shabu) at mga paraphernalia. Sa hiwalay na ulat ng QTV-11 isinailam ng awtoridad sa surveillance ang condominium ni Davao matapos makatanggap ng impormasyon na mayroon drug sessions ginagawa rito. - GMANews.TV