ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Davao City, magsasagawa ng libreng HIV test


Dahil sa patuloy ng pagtaas ng kaso ng Human Immunodeficiency Virus (HIV) sa bansa-- pati na sa Davao city, magsasagawa ng libreng HIV test sa lungsod sa darating na Mayo 11 hanggang 15.

Sa ulat ni Tek Ocampo ng GMA-Davao sa GMA News TV's Balita Pilipinas nitong Huwebes, sinabing isasagawa ang free HIV test alinsunod sa idaraos na International HIV/AIDS Candle Lighting Memorial sa Mayo 17.

Ayon kay Precy Senoc, Health Education and Population Officer, Davao City Health Office, bagaman mataas ang kaalam ng publiko sa peligrong dulot ng pakikipagtalik  para mahawahan ng HIV, marami pa rin umano ang hindi gumagamit ng proteksiyon.



Si Marco Suazo, isang kilalang student leader sa lungsod, nagpasyang lumantad at ilahad ang taglay niyang HIV para tumulong sa pagpapakalat ng impormasyon tungkol sa virus.

Base sa tala ng CHO, may 20 tao ang nadadapuan ng virus bawat araw sa buong bansa.

Samantala, nasa 10 hanggang 20 tao naman ang nadadapuan ng HIV sa Davao City bawat buwan.

Kasama ang Davao city sa anim na lungsod sa bansa na may mataas na prevalence rate o nakakaalarma ang bilang ng mga lalaking may HIV dahil sa pakikipagtalik sa kapwa lalaki.

Bukod sa lungsod ng Davao, nasa listahan din ang lungsod ng Quezon, Maynila, Caloocan, Cebu at Cagayan de Oro.

"Hindi mabuting sexual practice na makipagtalik kahit kanino lang," ani Suazo.

Sa kabila ng kaniyang sitwasyon, nais ni Suazo na makapamuhay pa rin ng normal at makapagtrabaho dahil na rin sa mahal na gamutan upang hindi lumalala ang HIV.

Nanawagan naman si Senoc sa publiko na huwag pandirihan ang mga may HIV. Aniya, maaaring tumagal ang buhay ng mga nadadapuan ng virus kung mabibigyan ng tamang gamot at malusog na pamumuhay. -- FRJ, GMA News